Celebrity Life

Herlene Budol, aminadong lapitin ng bullies at bashers online

By Jimboy Napoles

Aminado ang Kapuso beauty queen and actress-comedienne na si Herlene Budol na lapitin siya ng mga bully at basher sa social media pero nananatili siyang “good vibes” para sa mga taong sumusuporta sa kaniya.

Sa katatapos lang na GMA Gala 2023, nakapanayam ng GMANetwork.com si Herlene, kung saan tinanong siya kung lapitin din ba siya ng mga bully gaya ng kaniyang karakter sa Magandang Dilag na si Gigi Robles.

Sagot naman niya, “Oo lapitin ako ang dami. Sa social media ayan, sobra ho.”

Aminado rin ang aktres na naaapektuhan din siya ng mga pambu-bully sa kaniya online, pero mas pinipili niyang maging matatag.

Aniya, “Ewan ko ba parang dumedepende na po ako sa kung anong sasabihin sa akin ng mga tao sa social media. Pero siyempre as Herlene, laban lang.”

Ayon pa kay Herlene, nananatili naman siyang masayahin para makapagpasaya rin ng mga tao.

“Ito, ito pa rin ako. Herlene pa rin, masayahin, nakakapagpasaya pa rin. Sabi nga ni Gigi Robles, 'Good vibes lang para bongga, pag nega, chaka,'” masayang sinabi ni Herlene.

Nagpasalamat din si Herlene sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kaniya.

“'Yung mga taong naniniwala sa akin hanggang ngayon, thank you so much. Lumalaban pa rin ako para sa inyo para maging inspirasyon pa rin ako kahit papano,” anang beauty queen-actress.

BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI HERLENE BUDOL SA GALLERY NA ITO: