Celebrity Life

Thea Tolentino, takot kay Mikoy Morales?


Halos lahat ng Kapuso stars ay may kani-kaniyang best friend sa showbiz. Ayon kay Thea Tolentino, si Mikoy Morales daw ang maituturing niyang ganito. Pero hindi alam ng marami na noong Protégé ay takot si Thea kay Mikoy.

Parehas produkto ng artista-search reality TV show na Protégé Season 2 sina Mikoy at Thea. Itinanghal si Thea bilang female winner ng show samantalang runner up naman si Mikoy sa male category.

Kuwento ni Thea, si Mikoy talaga ang hindi niya halos nakakausap noon sa lahat ng finalists ng Protégé dahil daw lagi niyang nakikitang seryoso ito. “Actually takot ako sa kanya noong Protégé,” pahayag niya.

Paliwanag niya, “Kasi sobrang seryoso niya. Parang kaunting mali mo, kunyare sa sayaw nagkamali ka, siya 'yung nakatingin sa ‘yo. Nasa isip ko noon na sinasabi niyang ano ba 'yan! Akala ko na ganoon siya. Parang perfectionist 'yung first impression ko sa kanya.”

Dahil natatakot nga siya kay Mikoy, nagulat na lamang daw siya nang bigla silang pinag-partner sa isang performance. “Naka-partner ko siya at noong in-announce, parang, shhh! Ano ba 'yan. Hala,” ani Thea.

Pero ayon kay Thea, kung hindi raw sila naging mag-partner noon ni Mikoy sa performance na iyon, malamang ay hanggang ngayon ay takot pa rin siya rito.

Ikinuwento sa amin ni Thea ang nangyari sa performance nilang dalawa sa Protégé. Bahagi niya, “Noong gala night, kami 'yung mag-partner. Kami 'yung nagpe-perform together. May ginawang exercise - 'yung mirror performance. Siya 'yung nagli-lead, si Mikoy. Gagayahin ko kung ano 'yung ginagawa niya.”

Dahil daw sa performance na ‘yon, nagbago ang tingin niya kay Mikoy. “Tapos doon kami naging close. Hindi pala siya seryosong tao. Kuwela rin pala siya,” aniya.

For more updates about Thea and Mikoy, log on to GMANetwork.com.  Abangan din si Thea sa The Half Sisters, ngayong June 9 na sa GMA Afternoon Prime.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Meryl Ligunas, GMANetwork.com