Celebrity Life

Gabby Eigenmann, nagulat sa bago niyang project sa GMA

By Al Kendrick Noguera


Isa sa mga naging maingay na teleserye ang My Husband’s Lover last year dahil sa kakaibang istorya na umikot sa gay characters nina Vincent (Tom Rodriguez) at Eric (Dennis Trillo). Ngayong taon, muli na namang maghahandog ang GMA ng kakaibang gay-themed soap na pagbibidahan ni Kapuso actor Gabby Eigenmann.

Malapit na nating mapanood ang Dading, ang GMA Afternoon Prime show na magkukuwento tungkol sa isang ama na bading. Sa last week ng June mapapanood ang nasabing teleserye at makakasama rito ni Gabby ang Kapuso stars na sina Glaiza de Castro, Benjamin Alves at Chynna Ortaleza.

Sa ginanagap na story conference ng show, kitang-kita kay Gabby na excited siya sa show. Hindi ito ang unang pagkakataong gumanap si Gabby bilang gay. Naranasan niya na kasing maging bading sa isang episode ng Magpakailanman.

“I can say it's new to me because when I portrayed a gay character in Magpakailanman, isang episode lang 'yon eh. Ito kailangan kong i-sustain mula umpisa hanggang sa matapos 'yung buong project. Full length 'to eh! Matagal 'to,” pahayag ni Gabby.

Kuwento ni Gabby, galing siya sa bakasyon nang malaman niya ang detalye ng kanyang next project kaya’t nagulat siya sa konsepto nito. “Fresh from vacation kasi ako. I came from Japan. So when I found out, I thought it was just another project. It never came into my mind na it's gonna be a big one, a first time,” aniya.

Ibinahagi sa amin ni Gabby ang pressure na nararamdaman niya sa bago niyang project. Saad niya, “Pressured kasi unang-una, it's a big bulk, big baggage to carry.”

Linaw ni Gabby, kahit daw pressured siya ay hindi naman siya nagdalawang-isip na tanggapin ang offer ng GMA sa kanya. “This project ay hindi basta proyekto lang eh. I'm sure pinag-isipan 'to ng GMA. We're so lucky, we're blessed to be part of this prestigious project. Happy kami,” bahagi niya.

“To prepare, I think, given the opportunity na end of the month pa kami mag-start, I think magkakaroon ako ng time to be prepared. Actually, ang dami ko ng pegs pero according to the writers, may pegs na nga raw sila. And when they told me about it, napaisip na 'ko ng magandang atake,” pahayag ni Gabby.

Abangan si Gabby Eigenmann sa Dading, ngayong June na sa GMA Afternoon Prime.