
Certified TikTok star na nga si Dennis Trillo dahil sa kanyang makukulit na viral videos.
Kabilang na riyan ang 'Bakit malungkot ang beshy ko' entry niya kung saan nag-cartwheel ang aktor bago mag-split. Sa ngayon, mayroon na itong mahigit 16 million views sa trendy app.
@dennistrilloph Lungkot ka besh? Try ko mag split wait lang… #fyp #foryourpage #goodvibesonly ♬ original sound - Garry Corpuz Domingo - Boss G Capital
Hiningan naman ng GMANetwork.com ng reaksyon ang maybahay ni Dennis na si Jennylyn Mercado nang makapanayam namin ang aktres sa pictorial ng upcoming series niyang Love. Die. Repeat. noong Biyernes, October 6.
Biro ng Ultimate Star, "Ako rin po ay medyo nag-aalala na. Huwag kayong mag-alala, 'di lang po kayo ang medyo nag-aalala. Ako din po pati po 'yung mga kasambahay po namin.
"Talagang malala na po talaga, nahihirapan na nga po akong tanggapin pero and'yan na 'yan."
Ayon kay Jen, paborito niya raw ang TikTok video ni Dennis kung saan tampok ang kanilang anak na si Dylan.
Dito ay pinag-alaga ni Jen si Dennis ng kanilang anak bago pa makasayaw ang mister sa saliw ng kantang "Gento" ng bandang SB19. Ani Jen, "Nagalit ako sa kanya kasi puro s'ya TikTok."
@dennistrilloph Pa Kaldag na ko eh!🕺🤦🏻 Jento! @Jen Mercado #fyp #foryourpage #dento @ANTHEM ♬ GENTO - SB19
Tumatawang sabi pa ni Jen, minsan ay nagtatago pa si Dennis para mag-TikTok.
Ika niya, "Nagtatago s'ya talaga. Minsan nila-lock n'ya pa 'yung pinto, ginugulat na lang n'ya kami. Ano talaga, masyadong masikreto, minsan sa banyo, sa kwarto. 'Pag kinakatok ko, sinasabi ko, 'ano bang ginagawa mo d'yan, Dennis? Buksan mo 'to!' Gano'n."
Sa ngayon ay may 1.1 million followers at 14.1 million likes na ang TikTok page ni Dennis.