
Bukod sa pagiging mahusay na aktor, tumalon na rin sa pagiging TikTokerist ang tinaguriang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo, kung saan nakikita ng kanyang fans ang kanyang pagiging kuwela.
Sa September 15 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, tinanong ng batikang TV host na si Boy Abunda si Dennis kung sino ang nagtulak sa kanya na gumawa ng content sa short-video streaming app na TikTok.
BALIKAN ANG NAGING TV ROLES NI DENNIS TRILLO:
Ayon kay Dennis, umpisa pa lamang ng pandemya ay kinukumbinsi na siya ng kanyang management na gumawa ng TikTok account dahil sa dami ng subscribers nito.
Aniya, “Ang totoo po niyan ilang taon na rin po aklong kinukumbinsi na mag-Tiktok. Siguro pandemic days pa po dahil sinasabi nila, ng management na, 'O, kailangan mo 'yan dahil ito na 'yung profile na tinitignan ngayon and sobrang daming TikTok subscribers sa buong mundo, sa Pilipinas so, nandiyan 'yung ibang market na kailangan mong ma-tap dahil ito 'yung masa at maraming makakapanood talaga.”
Sa kabila ng kanyang mga kuwelang content, sinabi ni Dennis na talagang nahihiya pa siya noong una na gumawa ng video at inaaral niya pa kung ano ang latest trend.
“After ilang years actually, nakumbinsi na rin po ako and ginawa ko na rin po 'yung account and noong una medyo nahihiya pa rin ako pero tiningnan ko 'yung trend, tiningnan ko 'yung puwede kong gayahin, dahil para kang nagsu-surf e, kailangan mo tingnan 'yung magagandang alon, 'yung magagandang waves na sasabayan mo,” ani Dennis.
Aminado rin si Dennis na paraan niyang gawing nakakatawa ang kanyang mga content.
“Hindi naman ako sumasayaw e, at saka hindi rin naman ako mahilig magpa-cute. Kaya ginagawa ko na lang nakakatawa 'yung mga videos ko,” anang aktor.
Samantala, muli namang mapapanood sa GMA Primetime si Dennis sa upcoming series na Love Before Sunrise kung saan muli niyang makakatambal ang aktres na si Bea Alonzo. Ang nasabing serye ay mapapanood sa GMA Telebabad simula sa September 25.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.