Celebrity Life

Direk Gina Alajar, nanghihinayang sa breakup nina Geoff at Carla

By SAMANTHA PORTILLO
PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Naging mainit na usap-usapan ang breakup ng Kapuso stars na sina Geoff Eigenmann at Carla Abellana. Unang nagkatambal ang dalawa sa Rosalinda at nagtagal ng tatlong taon ang kanilang relasyon. 
 
Ano kaya ang masasabi ng ina ni Geoff na si Direk Gina Alajar tungkol sa hiwalayang ito?
 
Ulat ng Balitanghali, mariing itinanggi ng actress-director ang tsismis na third party ang dahilan ng breakup nina Geoff at Carla.
 
Na-link noon si Geoff sa Adarna leading lady niya na si Kylie Padilla, na sinasabing dahilan ng paghihiwalay nina Geoff at Carla. Hindi kalaunan ay nag-break na rin si Kylie at ang kanyang kasintahang si Aljur Abrenica.
 
Inamin ni Direk Gina na nainis siya sa bali-balitang pagkakalink ni Geoff kay Kylie. Malaki raw ang panghihinayang ng kanyang pamilya sa breakup ng dalawa dahil umasa silang si Carla na ang makakatuluyan ni Geoff. Biruan nga raw nila ngayon, tatanda nang binata si Geoff.
 
Samantala, abala si Direk Gina sa bagong family drama na hahawakan niya- ang TV remake ng Yagit. Kasalukuyang nagpapa-audition si Direk Gina sa mga batang magre-reprise ng roles ng mga Yagit. 
 
Magsisimula na ang auditions ngayong araw na ito sa isang mall sa Bulacan. Magkakaroon din ng auditions sa Visayas at Mindanao.