Celebrity Life

Kier Legaspi, thankful kay Dennis Padilla sa pagiging magaling na stepfather kay Dani

By Kristian Eric Javier

Bilang isang kapwa ama, malaki ang pasasalamat ni Kier Legaspi sa pag-aalaga at aruga na ibinigay ni Dennis Padilla sa anak niyang si Dani Barretto.

Sa interview niya sa Updated with Nelson Canlas podcast, ibinahagi ni Kier na matagal na silang hindi nagkakausap ng anak niya kay Marjorie Barretto na si Dani, bukod sa isang pagkakataon na tumawag ito sa kaniya.

“Pero in fairness to her, once, tumawag siya. Nangangamusta, ang sinabi niya nga sa'kin nun parang gusto niyang makilala kumbaga magkakilala 'yung mga anak niya, magkita lahat, magkaayos na,” kuwento niya.

Ngunit pagkatapos umano nun ay hindi na ito muling nakipag-communicate pa.

Dito napili ni Kier na pasalamatan ang mga taong tumulong at nagmamahal sa kaniyang anak, at naka-intindi sa kaniya, kabilang na ang kapwa aktor na si Dennis.

“Nabanggit ko na rin sa iba kong mga interview na si Dennis (Padilla), gusto kong pasalamatan 'yan dahil inalagaan niya at minahal niya si Iren (tawag ni Kier kay Dani), parang sarili niyang anak and I appreciate that,” sabi niya.

Nagbigay din ng maiksing mensahe si Kier para sa kapwa ama, at sinabing lakasan nito ang loob at gawin ang tingin nitong tama.

“'Wag kang makikinig sa sinasabi ng ibang tao. Pag alam mong tama, pare, bro, gawin mo 'yan makakabuti sa'yo 'yan. It will give you peace in your mind, in your soul,” sabi niya.

Aminado si Kier na hindi pa sila nagkakausap ni Dennis ngunit nakikita niya umano na magkakaroon sila ng “magandang usapan.”

“I think isa ako sa mga taong talagang makaka-relate sa pinagdadaanan niya. May hawig e, so ako, naiintindihan ko si Dennis,” paliwanag ng aktor.

Ipinahayag din niya ang suporta kay Dennis at sinabing nakikita niya kung gaano ito kabuti bilang isang ama.

SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG CELEBRITY DADS SA GALLERY NA ITO:

Samantala, binigyan linaw naman ni Kier ang cryptic post niya noong 2021 kung saan sinabi niyang siya naman ang magpapa-interview dahil siya lang ang kumukuha ng mga “punches and lies.”

“I'm trying to take all the punches and lies but let's see how you would feel if I tell my side of the story. Game?” post niya noon.

Nang tanungin kung ano ang ibig sabihin niya o sino ang pinatatamaan, ang sagot ni Kier, “[I] was triggered by lies kaya ako nagsalita.”

“Kasi may mga panahon na, pag pinabayaan mo ang isang issue, 'yung tama nagiging mali, binibigyan na ng tao ng ibang interpretation,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Kier, pinili niyang magsalita dahil kung hindi ay maaaring mabaluktot na “'yung tama,' isang bagay na hindi niya kagustuhan.

“I'm a happy-go-lucky guy, pero meron akong boundaries. Meron akong mga bagay na, mga, hindi ko pinaglalaruan 'yan. 'Yung mga prinsipyo, 'yan, 'yan ang hindi ko binibiro,” sabi niya.

Nilinaw naman ni Kier na ipinagpasa Diyos na lang niya ang lahat at nagsisimula na siyang mag-move-on. Sinabi rin niya na gusto lang niya ng kapayapaan, maging masaya, at hindi na ma-stress sa kahit ano pang problema.

“'Yan ang binabantayan ko sa buhay Kailangan 'pag may problema, may solusyon diyan pero don't be stressed sa kung ano man,” saad ng aktor.

Pakinggan ang buong interview ni Kier dito: