Celebrity Life

Lorna Tolentino: 'Sigurado ako na magugustuhan nila ang My Destiny'

By MICHELLE CALIGAN

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Pagkatapos maging pangulo ng bansa sa teleseryeng Genesis kasama si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, balik sa pagiging isang ina si Ms. Lorna Tolentino sa upcoming Telebabad series na My Destiny. Gaganap siya bilang si Agnes Dela Rosa, ang ina nina Grace (Carla Abellana) at Joy (Rhian Ramos).

Hindi na bago ang role na ito kay LT, kaya aminado ang batikang aktres na nagkaroon siya ng doubts nang i-offer sa kanya ang proyektong ito.

"Noong una medyo may kaunting doubts kasi parang ang gusto ko, parating maiba 'yung nagampanan ko na or nagawa ko na. Kasi kung makikita from lahat ng nagawa kong teleserye, parang gusto ko na maiba siya from Pahiram [ng Sandali], from Genesis. So ito, is more of drama ng buong pamilya. Hindi 'yung sa isang pamilya lamang, kundi tatlong pamilya ang mai-involve sa lahat ng problema."

Halos kapareho naman daw ni Agnes ang totoong Lorna. "'Yung similarity niya talaga is ang pagiging ina, and a working mom also. Pero ang sitwasyon, magkaiba kasi dalawang lalake ang anak ko sa tunay na buhay, dito dalawang babae. And then, ang mangyayari sa pamilyang ito, sa pamilya namin, siguro medyo may kaunting similarity sa kaso, kasi magkakasakit ang isang anak ko, at nagkasakit din si Daboy noon."

Matatandaang pumanaw ang asawa ni Lorna na si Rudy Fernandez, na mas kilala sa nickname na Daboy, noong 2008 dahil sa periampullary cancer.

Anong aral naman ang mapupulot ng mga manonood sa My Destiny?

"Marami silang matututunan. Tayong mga Pinoy, ang gusto natin talaga mas family-oriented, kaya gusto nating nakikita 'yung mga sitwasyon na parang sumasalamin sa buhay natin kapag nanonood tayo ng mga teleserye. 'Parang hawig sa buhay ko 'yan. Nangyayari sa akin 'yun ah!' 'Yun 'yung gusto ng audience natin. Kaya sigurado ako na magugustuhan nila ang My Destiny."

Abangan si Ms. Lorna Tolentino bilang Agnes sa My Destiny, nitong June 30 na sa GMA Telebabad.