Celebrity Life

Gina Pareño, hindi nga ba napapagod sa pag-arte?

By EJ Chua

Isa si Gina Pareño sa tinitingalang mga aktres sa Philippine entertainment industry.

Kamakailan lang, napanood ang batikang aktres sa vlog ng content creator at aktres na si Snooky Serna.

Sa unang parte ng vlog, ibinahagi ni Gina na masaya siyang nakalabas muli ng kanilang bahay.

Sabi niya, “Hindi na ko nakalabas ng bahay. Thank you tinawag n'yo ko. Buti tinawag n'yo ko kung hindi, hindi ako makakalabas.”

Dagdag pa ng aktres, “Gusto ko umarte na. Kailan tayo mag shooting shooting?”

Kasunod nito, emosyonal na sinabi ni Gina na gusto na niyang makabalik ulit sa pag-arte.

“Gusto ko nang umarte uli. Nalulungkot po ako kapag hindi ako nakakaarte,” maluha-luhang sinabi ni Gina.

Nang kamustahin ni Snooky si Gina, sinagot ito ng huli at sinabing, “Ang nangyari sa akin, pumasok ako sa TikTok para makaarte ako, nakaraos.”

Hindi maikakaila na sobrang mahalaga ang pag-arte para sa aktres.

Sa naturang vlog, tinanong din ni Snooky kung hindi ba napapagod si Gina sa pag-arte.

Sagot ng huli, “Hindi kapaguran eh kundi nalulungkot ako parang wala nang nagmamahal sa akin. 'Pag walang camera, walang acting.”

“Kaya ang ginawa ko ay inaliw ko ang sarili ko, TikTok ako,” sabi pa niya.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 1.9 million followers si Gina sa TikTok at ilang videos niya ang humahakot ng million views sa naturang video-sharing application.

Samantala, tingnan ang mga roles na ginampanan ni Snooky Serna sa mga teleserye sa GMA: