Celebrity Life

Marian Rivera, ibinahagi ang mga paghahanda para sa kanyang 30th birthday

By ANN CHARMAINE AQUINO

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Sa 24 Oras, ibinalita ni Aubrey Carampel ang nalalapit na kaarawan ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Sa August 12, gaganapin ang 30th birthday ni Marian at malaking pasabog ang ihahandog umano niya sa kanyang show na 'Marian'.

Ibinalita ni Marian na dadating ang mga espesyal na tao sa kanyang buhay para sa kanyang birthday special at inaasahang mag-perform ang mga ito sa kanyang show.

"Espesyal ang mga guests ko, at hindi mawawala si Dong [Dingdong Dantes] doon", pahayag ni Marian.

Last Saturday, nag-guest ang dalawang Kapuso actresses na sina Bela Padilla at Sam Pinto na napabalitang nakaalitan noon ni Marian. Ang pagsasama sama ng tatlo ay patunay na matagal ng natapos ang alitan nila.

Saad ni Marian, "kung ano 'yung past kalimutan na lang natin 'yun. Mas masarap na maraming kakampi at maraming nagmamahal sa iyo".

Marami pa umanong gustong makasayaw ang Primetime Queen, at kasama rito ang ilan pa sa mga Kapuso artists. Aniya, "gusto ko mag-guest si Carla [Abellana], si Jennylyn [Mercado], si Rhian [Ramos]"

Sa August 2 naman ang kaarawan ng kanyang longtime boyfriend na si Dingdong, at ibinahagi ni Marian na balak nilang i-celebrate ang kanilang mga kaarawan sa kanilang mga advocacy.

"Ang maganda kay Dong, pupunta siya sa Iloilo para magbigay ng chairs sa school na nasalanta ng bagyo," saad ni Marian.

Para kay Marian, ang focus ng kanyang birthday ay sa Kapuso adopt-a-bangka.

"Kami naman asikasuhin namin ni Kuya Oli yung Kapuso adopt-a-bangka. Kasi may second wave na ako at tinatarget talaga namin is 500 families sana. Kasi kapag nagawa ko 'yun, tapos na ako sa task ko sa bangka".