
Isa sa mga hindi malilimutang pangyayari sa kasaysayan ng bansa ay ang pananalasa ng bagyong Yolanda noong November 2013. Kaya naman isa rin ito sa mga naaalalang typhoon coverage ng batikang broadcast journalist na si Atom Araullo.
Bukod kay Atom, marami rin ang hindi makalimot kung papaano niya kinover ang sakuna noon sa Tacloban, ang pinakanaapektuhan ng bagyo.
Sa 100th episode ng Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, ikinuwento ni Atom ang naging karanasan niya at ng kaniyang team sa ginawa nilang coverage. Aminado siya na hindi man iyon ang biggest coverage niya, iyon marahil ang pinakanaaalala ng mga tao sa “news gathering” days niya.
Aniya, “Sa totoo lang, I always say, culmination na lang 'yun ng years. A lot of experience covering extreme weather. Kasi that wasn't the first typhoon I covered. By that time, I could say na medyo beterano na ako sa ganung coverage.”
“Alam ko na kung anong gagawin, kung saan papwesto, paano maghanda, ano 'yung logistics, so, I think all of those experiences played into that moment,” dagdag pa niya.
Ngunit ayon kay Atom, hindi inasahan ng marami kung gaano katindi noon ang bagyo kaya't walang nakapaghanda. Kahit ganu'n, malaking pasasalamat pa rin ni Atom sa nangyari dahil naging mas handa na ngayon ang bansa sa pag-handle ng ganoon kagrabeng mga sakuna.
Isa pang hindi malilimutan ng mga tao ay ang pagtulong ni Atom at ng kaniyang team sa mga residente ng Tacloban na makaligtas sa baha. Kuwento niya, pamilyar naman siya sa epekto ng storm surge na nangyari noon sa Tacloban.
Pero dahil mas malakas ang bagyong Yolanda, iba ang naging epekto ng storm surge at imbis sa dalampasigan lang ang baha ay inabot na ang mismong siyudad.
“We were all surprised by that. Nu'ng tumingin ako kasi we were on the third floor, pagtingin ko sa kalsada, lubog na lahat ng sasakyan,” sabi niya.
BALIKAN ANG NAGING KARERA NI ATOM SA GALLERY NA ITO:
Naisip na nilang marami marahil ang mata-trap dahil sa baha kaya nagdesisyon silang bumaba mula sa third floor ng building kung saan sila nandoon. Sa kanilang pagbaba, nakita na nila umano ang ilang mga tao, kabilang ang mga nanay at kanilang mga anak.
“'Yung mga malapit dun sa building namin, 'yun 'yung tinulungan namin, nagtali kami ng line from the staircase to parang 'yung sa labas ng pinto. Tapos tinulungan namin 'yung mga ano, kasi maraming mga mothers eh, with their children na parang didn't know where to go,” kuwento niya.
Ayon pa kay Atom, hindi na dapat parte ng coverage ang pagtulong na ginawa nila ngunit dahil nandoon na rin sila, naisip ng kaniyang cameraman na kumuha ng ilang shots ng mga pangyayari.
“And that's why that was recorded. But yeah, parang ano 'yun eh, 'yun 'yung mga moments na talagang nagbi-blur na 'yung line between your job as a reporter and your job as a human being,” sabi niya.
“Many times, nagkakaroon ng overlap. The decisions are not hard to make, I feel, because parang you're both a human being and a reporter. So you kind of have to fulfill your obligations to both worlds, 'di ba?”
Pakinggan ang buong interview ni Atom dito: