
Kailan lang ay ipinagdiwang ng hit '90s teen-oriented TV show na T.G.I.S. ang kanilang 29th anniversary. Nagkita-kita rin ang ilan sa mga bida na sina Angelu De Leon, Bobby Andrews, Ciara Sotto, at Michael John Flores para ipagdiwang ang kanilang “29 years of friendship.”
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, sinabi ni Angelu De Leon na kahit ilang taon nang natapos ang kanilang teen-oriented show ay malapit pa rin silang mga cast sa isa't isa. Katunayan, meron pa silang group sa isang messaging app kung saan sila madalas magkuwentuhan. Ngunit paglilinaw niya, madalang pa rin sila magkita ng personal.
“Pero we make it a point and we really plan something, hindi lang kagaya ng dati. Wala kaming choice e, magkikita-kita kaming lahat sa taping e. Ngayon, busy si ganito, which is totoo. Lahat kami ngayon talaga are busy with so many things in our plate,” sabi ng aktres.
ALAMIN KUNG NASAAN NA ANG CAST NG 'T.G.I.S.' NGAYON SA GALLERY NA ITO:
Aminado naman ang Pulang Araw star na dahil dati niyang ka-loveteam si Bobby Andrews ay ito rin ang palagi niyang kasama noon, dahilan para maging malapit sila sa isa't isa.
“So talagang at the end of the day, siya 'yung pinakanasasabihan ko ng whatever. Si Ciara (Sotto) rin, 'pag nagkikita kami, as if never kaming naghiwalay or hindi nagkausap ever. So exciting, iba-iba 'yung level of friendships,” kuwento ng aktres.
Ngunit kahit close sila ng kaniyang co-stars na nandito sa Pilipinas, aminado si Angelu na minsan lang niya nakakausap sina Red Sternberg at Raven Villanueva na parehong nasa United States ngayon.
Dahil sa T.G.I.S. unang umingay ang pangalan ni Angelu, ang karakter niyang si Peachy Real pa rin ang tumatak sa mga manonood at fans, kahit hanggang ngayon. Kahit umano may mga galit sa karakter niya ngayon sa Pulang Araw na si Carmela, hindi umano kayang magalit sa kaniya ng mga tao dahil dito.
“Sobrang nakakatuwa lang na after all these years, marami pa ring tumatangkilik. 'Gusto ko magalit saýo, pero Peachy Real ka pa rin sa akin.' So mga ganu'ng kalseng mga moment,” pahayag ni Angelu.
Pagpapatuloy pa ng aktres, pakiramdam niya ay pagkatapos ni Peachy, si Carmela na ang susunod na tatatak niyang karakter sa puso ng mga tao.
Pakinggang ang interview ni Angelu rito: