
Nilinaw ni Lilet Matias: Attorney-at-Law star Rita Avila ang pananaw ng mga tao sa sexy stars matapos makarating sa kaniya ang kuwento tungkol sa pag-audition ng female leads. Ayon pa sa kaniya, hindi totoo na mayroong pinapagawang malaswa sa kanila sa mga audition.
Kasunod nito, ikinuwento rin ng aktres ang naransan niya noon na pang-aabuso ng sexual mula sa isang direktor.
Sinimulan ni Rita ang post niya sa Instagram sa pagpapahayag ng kaniyang kalungkutan sa mga nangyayaring pang-aabuso sa show business. Ngunit paglilinaw ng aktres, hindi naman lahat ay hinahayaan lang na mangyari ito.
“Sa Seiko Films, Viva Films at iba pang movie productions o TV ay wala naman akong na-encounter na ganun,” sabi ni Rita.
Pinabulaanan din ng aktres ang mga kuwentong nakarating sa kaniya na may pinapagawang malasawa sa mga female leads sa kanilang auditions.
Binalikan din ni Rita kung paano siya kutyain dahil sa paggawa niya ng sexy films. “Excited nga ako sa SEXY SCENES noon kasi ganun pala ang ART, ganun pala ang epekto ng ILAW at ANGGULO, hindi kelangang ipakita ang kaluluwa,” aniya.
BALIKAN ANG '90S SEXY STARS AT KUNG NASAAN NA SILA NGAYON SA GALLERY NA ITO:
Sinabi rin ni Rita na hindi lang ito ang kaniyang sikreto. Bago pa man siya nakapasok sa showbiz ay “binebenta” na siya ng isang direktor noon sa isang producer.
“Sabay nananamantala din itong direktor na ito. Pilit humahalik. Kadiri. Nakakatakot.” Pagpapatuloy ng aktres, “Nagsumbong ako sa nanay ko pero parang wala lang sa kanya. 'Yun pala ay naaabutan siya. Minsan ay sa sarili ko pang cousin-in-law niya ako tinulak. Mabuti na lang ay naka-iwas ako.”
Ngunit masakit, nakakapanliit, at nakakagalit man umano ang naranasan niya, ibinabahagi niya ang kaniyang kuwento dahil “tayo ay mamumulat, matututo at makikilala ang mga sarili” sa mga ganitong karanasan.
Sa huli ay nag-iwan si Rita ng paalala sa mga kapwa niya naabuso, “Imbis na manapak, mang-akay.”
Paliwanag pa ni Rita na may koneksyon ito sa nauna niyang post sa Instagram kung saan mababasa ang isang tula tungkol sa mga nabiktima ng sexual abuse.