Celebrity Life

Kim Rodriguez bids goodbye to Kristoffer Martin

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Pagkatapos ng sunod-sunod na pagtatambal nina Kapuso actors Kim Rodriguez at Kristoffer Martin, pansamantala munang hindi mapapanood ng viewers ang kanilang tambalan.

Sa first title role ni Kim na Kakambal ni Eliana unang nagsama ang dalawa. Nang makita na may chemistry ang dalawa, sinundan agad ito ng panibagong teleserye, ang Paraiso Ko’y Ikaw.

Halos sabay na lumaki sina Kim at Kristoffer, mula sa pa-sweet nilang image hanggang sa pagiging mature on-screen, ay magkasama sila. Sa katunayan nga ay nangyari ang kanilang first kissing scene sa Paraiso Ko’y Ikaw na talagang pinaghandaan ng dalawa.

Nitong Marso lang nagtapos ang Telebabad soap at pagkalipas ng halos anim na buwan, muli na namang babalik si Kim onscreen. ‘Yun nga lang, hindi niya kasama si Kristoffer sa kanyang upcoming show na Strawberry Lane.

“Siyempre hindi ko maiwasan na ma-miss siya (Kristoffer) bilang siya 'yung naka-partner ko noong first and 'yung huling naging show ko,” pahayag ni Kim.

Ayon kay Kim, mayroong ibang pinagkakaabalahan ngayon ang dating ka-love team. Saad niya, “Ngayon ang alam ko [ay] magfo-focus muna siya sa studies niya.”

Sa Strawberry Lane, makakaparehas niya ang nagbabalik-Kapuso na si Kiko Estrada, na nakatrabaho na raw ng aktres.

“Nagkasama na kami sa Tween Hearts bilang doon kami nagkakilala. Sobrang happy ako kasi bumalik na siya sa GMA at magkatrabaho pa kami ngayon, ani Kim.

Natutuwa rin daw si Kim dahil muli niyang makakasama sa isang show ang co-stars niya noon sa Tween Hearts. Aniya, “Siyempre sobrang happy ko kasi parang nag-reunite 'yung Tweens na sina Bea [Binene], Jake [Vargas], Joyce [Ching], and si Kiko.”

Abangan si Kim Rodriguez sa Strawberry Lane, ngayong September 15 na after 24 Oras sa GMA Telebabad.