Celebrity Life

Kim Rodriguez umaming nahihirapan sa kanyang role sa ‘Strawberry Lane’

By AL KENDRICK NOGUERA

Halos six months din ang hinintay ni Kapuso teen star Kim Rodriguez bago dumating ang kanyang next project. Pero kahit matagal-tagal daw siyang nabakante sa drama, thankful pa rin daw ang aktres dahil hindi siya nalimutan bigyan ng birthday gift ng GMA.

“Sobrang happy ako kasi nasundan na agad 'yung Paraiso Ko'y Ikaw kaya nagpapasalamat po ako sa GMA kasi patuloy nila akong pinagkakatiwalaan. Sobrang happy ko talaga dahil parang birthday gift ko 'to eh,” pahayag ni Kim.

Dagdag niya, “Noong August po [‘yung birthday ko]. Kasi after noong birthday ko, at saka nila sinabi na may show ako.”

Ang tinutukoy ni Kim ay ang kanyang current project, ang Strawberry Lane, na pumalit sa Niño sa GMA Telebabad slot.

Nang tanungin ang role ni Kim, inamin ng teen star na medyo nahihirapan siya sa pagganap nito dahil maituturing daw niya itong bago. Aniya, “Sobrang iba sa personality [ko]. Iba sa mga naging role ko.”

Malayong-malayo raw sa kanya ang character niyang si Jack. “Yes siyempre, sobrang hirap kasi ano ako eh, sobrang kikay na jolly talaga ako kung makikilala talaga nila ako. Sobrang kulit ko. Pero sobrang kabaligtaran 'yung character ko,” paliwanag ng Strawberry Lane star.

Lalaki raw kumilos si Jack ayon kay Kim. At para magampanan nang maayos ang character, mayroon daw siyang ginagawa tuwing taping. “So boyish ako, athletic, so sobrang nahihirapan ako kaya ginagawa ko minsan, sumasama ako sa mga lalaki sa mga [production] staff,” kuwento ni Kim.

Dagdag pa niya, “So tinitignan ko 'yung mga ginagawa nila, 'yung mga kilos nila. Tapos siyempre sa suot ko, lalaki ang suot kaya medyo nadadala ako ng suot ko.”

Effective ba ang portrayal ni Kim kay Jack? Patuloy na subaybayan ang Strawberry Lane, weeknights after 24 Oras sa GMA Telebabad.