Celebrity Life

Joyce Ching, pressured sa ‘Strawberry Lane’ dahil sa ‘Niño’

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Sino ba naman ang hindi nakakakilala kina Niño, Naynay at Taytay? Paniguradong tumatak sa mga Pilipino ang portrayal ni Kapuso actor Miguel Tanfelix sa mentally-challenged character na naging inspirasyon ng mga manonood.

Tinangkilik ng viewers ang Niño hanggang sa matapos ito. Kaya naman nang tanungin namin si Joyce Ching tungkol sa pumalit sa Telebabad soap na Strawberry Lane, inamin ng teen star na kinakabahan ang buong cast dahil kailangan nilang ma-achieve ang success ng Niño.

“Kahit ano namang sigurong show na nagsisimula, talagang hindi naman po mawawala 'yung pressure kasi you can only control so much. Ang nako-control lang namin [ay] kung gaano namin sobrang gagalingan at kung paano namin aayusin 'yung mga eksena,” pahayag ni Joyce.

Dagdag pa niya, “Pero kung paano 'yung pagtanggap ng mga tao, beyond na 'yon sa control namin kaya siyempre nakaka-pressure.”

Hindi raw talaga maiiwasang maikumpara ang Strawberry Lane sa Niño dahil sa parehong time slot nito. “Nakakakaba kasi kung tatanggapin ba nila [ang Strawberry Lane] gaya ng pagtanggap nila sa Niño,” saad ni Joyce.

Pero ani Joyce, kahit paano raw ay mayroon naman silang inaasahang fans na susubaybay sa kanilang show. Aniya, “I'm sure naman na ‘yung mga talagang nag-aabang ng Tween Hearts part 2 ay nanonood ng Strawberry Lane.”

Sa huli, sinabi ni Joyce na sisiguraduhin ng buong cast na ibibigay nila ang 100 percent para mapaganda ang Telebabad soap. “Kami kasi, team work kami. Kami-kami 'yung magkakasama sa show so kapag bumagsak man o tumaas 'yung show, kaming lahat 'to. Team namin ‘to. Kaya lahat kami [ay] nagtutulungan para mapaganda rin namin at para ‘yon ‘yung mag-reflect sa audience,” saad ng Strawberry Lane star.