Celebrity Life

“Bata pa lang ako gusto ko na talagang maging aswang” – Rochelle Pangilinan

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

“Actually kasi bata pa lang ako gusto ko na talagang maging aswang,” ‘yan ang pahayag ni Kapuso actress Rochelle Pangilinan sa ginanap na press conference ng pinakabagong Afternoon Prime soap na Ang Lihim ni Annasandra.

Ang role rito ni Rochelle ay si Esmeralda, isang awok. Ang awok ay isang uri ng aswang na nagiging baboy-ramo pagsapit ng dilim. Tao sila sa umaga ngunit kinakailangan nilang magtago ‘pag wala nang araw dahil nagiging halimaw sila.

Sa kuwento ng Ang Lihim ni Annasandra, si Esmeralda ang sanhi ng pagiging awok ng bidang si Andrea Torres. Ipinasa niya kasi ang sumpa sa pamamagitan ng pagpapakain ng mahiwagang binhi kay Annasandra. Ginawa ito ni Esmeralda para pagbayaran ng ama ni Annasandra na si Carlos ang isang kasalanan - ang hindi sinasadyang pagpatay sa anak ni Esmeralda.

First aswang role ito para kay Rochelle, kaya naman natutuwa siya nang i-offer ng GMA ang project dahil dream role niya nga raw ang maging aswang.

Bakit kaya? “Marami na talagang tanong sa isip ko kung totoo ba talaga ang aswang. Marami pa kayang aswang? Marami akong ganoon,” sagot ni Rochelle.

Marami raw alam na kuwento si Rochelle tungkol sa mga aswang. Aniya, “Ang Tito ko kasi ay albularyo eh. So hindi ko alam kung maniniwala ako sa kanya o hindi. Pero minsan nakikita ko na totoo eh. Like kung may sinasapian, parang hindi nila gusto kasi napapagod sila pagkatapos nilang sapian. Kaya feeling ko talaga totoo.”

Dahil naniniwala nga si Rochelle na mayroong mga aswang, marami rin siyang alam na panlaban sa mga ito. “Siyempre number one [ang] dasal. Bawang, asin, buntot pagi,” anang aktres.

Naaalala rin daw ni Rochelle ang panlaban ng kanyang ina sa aswang noong ipinagbubuntis nito ang kanyang nakababatang kapatid. Kuwento niya, “'Yung tiktik, ang panlaban doon ng Nanay ko [ay] shorts ng Tatay ko na gamit na. Nilalagay niya 'yon sa tiyan niya para 'yung mga tiktik [ay hindi maamoy ‘yung baby]. Kasi sinulid lang 'yon so hindi mo siya makikita.”

Tuwing pumupunta si Rochelle sa mga lugar na may napapabalitang mayroong mga aswang, sinisigurado raw niyang hindi siya mabibiktima ng mga ito. “Minsang nag-show kami, amoy peppermint kami o amoy maanghang para hindi ka raw lapitan. Kapag hinampas ka, hampasin mo rin para hindi mapunta sa 'yo [‘yung pagiging aswang]."