
Aminado si Pokwang na hindi naging maganda ang mga karanasan niya sa pag-ibig dahil sa kanyang past relationships. Naging balita pa nga ang paghain niya ng deporation complaint laban sa dating partner niyang Amerikano na si Lee O'Brian.
Gayunpaman, marami siyang natutunan mula sa kanyang mapapait na pinagdaanan kaya ayaw niyang maulit ito o mangyari sa mga taong malalapit sa kanya gaya ng Binibining Marikit at TiktoClock co-star niyang si Herlene Budol.
Sa Kapuso Insider video ng GMANetwork.com, binigyan ng payo ni Pokwang ang kapwa niya actress/comedienne ngayong love month. "Hindi 'yon sa lahi o sa kulay, 'yung sa laman ng puso. Maging maingat, mahalin mo muna 'yung sarili mo."
Dahil laging magkasama sa trabaho, parang mag-ina na rin in real life ang turingan nila sa isa't sa.
Nakikita rin ni Pokwang ang kanyang sarili kay Herlene, lalo na pagdating sa pagmamahal nito sa kanyang pamilya.
Patuloy niyang payo kay Herlene, "Alam ko, mahal na mahal mo 'yung pamilya mo at sila ang priority mo. Sa lahat ng blessings na dumarating sa 'yo, i-share mo sa kanila ng bonggang bongga at mahalin mo muna 'yung sarili mo.
"Unahin mo muna 'yung sarili mo, pamilya mo. Saka muna 'yung love, love, love na 'yan. Bata ka pa, marami ka pang makikilala. Maging mautak ka lalo na sa mga pinagpapaguran mo."
Sa unang pagkakataon, mapapanood sina Pokwang at Herlene sa drama. Ipinapalabas ang serye nilang Binibining Marikit Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
Patuloy din silang napapanood sa Kapuso variety show na TikToClock sa oras na 11:00 a.m. sa GMA at GTV.