Celebrity Life

Bakit nawala si Joyce Ching sa Strawberry Lane?

By AL KENDRICK NOGUERA
PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Marami ang nagtatanong kung bakit pinatay ang character ni Joyce Ching na si Dorina sa Strawberry Lane. Kaya naman tinanong na namin mismo ang teen star kung ano ba talaga ang dahilan ng pag-alis niya sa Telebabad soap.

“Originally, ganoon po talaga. Three weeks lang po talaga 'yung character ko. Noong story con pa lang, noong prinesent pa lang sa 'min 'yung characters, alam ko na,” bahagi ni Joyce.

Kahit daw maikling panahon lang ang appearance ni Dorina sa istorya ay tinanggap pa rin ito ni Joyce. “Pero siyempre, nalulungkot din ako kasi medyo nag-expect din ako na sana tumagal pa ako,” aniya.

“Siyempre masaya sa set at 'yung bonding namin nila Bea [Binene], Kim [Rodriguez], Joanna [Marie Tan]. Nakaka-miss din. Nakakalungkot, actually,” anang Strawberry Lane star.

Ano’ng nami-miss ni Joyce sa Telebabad soap? “Siguro 'pag 'yung umaga na at pinipilit na naming gisingin 'yung mga sarili namin. Sobrang kulit talaga namin offcam eh,” sagot ni Joyce.

Hindi rin daw maiwasan ni Joyce ang mainggit sa mga dating co-stars. Aniya, “Hindi ko pa kasi nakasabay ng taping si Jake [Vargas], si Jeric [Gonzales] at si Kiko [Estrada]. Hindi ko pa sila nakasama sa taping nang matagal kaya siguro medyo naiinggit ako sa bonding nila ngayon.”

Ayon kay Joyce, hindi na raw siya pormal na nagpaalam sa cast dahil iniwasan niyang maging emosyonal. “Noong last day ko, hindi ako masyadong nagpaalam sa kanila. Sabi ko lang, ba-bye last day ko na. ‘Yung ganoon lang kasi baka magkaiyakan pa kami,” saad ng teen star.

Sa fans ni Joyce na hinahanap siya, huwag kayong mag-alala dahil mapapanood siyang muli sa Bubble Gang. Matagal din kasing hindi nakita si Joyce sa gag show dahil sa conflict sa schedule dulot ng Strawberry Lane tapings.