Celebrity Life

Manny Pacquiao may iniiwasan bago ang laban kay Chris Algieri

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Nasa huling linggo na ng kanyang training si Pambansang Kamao Manny Pacquiao bago ang kanilang laban ni American boxer Chris Algieri sa darating na November 23 sa Macau.

Idinetalye ni Mav Gonzales sa kanyang ulat ang training activities ni Pacman sa kanyang huling linggo sa General Santos City.

Ayon sa GMA News reporter, maituturing na nag-cool down na raw sa training ngayon ni Pacquiao. Mula kasi sa 12 rounds na sparring, bumaba na ito sa eight rounds.

At dahil daw napakalapit na ng kanyang laban, iniiwasan na raw ni Pambasang Kamao ang extra activities tulad ng paglalaro ng basketball after training. Kung dati raw ay diretso sa court si Pacman pagkatapos ng training, ngayon daw ay pinipili na niyang magpahinga na lamang.

Hindi rin daw nawawala ang pagtakbo ni Pacman para na rin ikondisyon lalo ang kanyang sarili. Sa katunayan nga ay walong kilometro ang itinakbo ng Pambansang Kamao kahapon.

Nakapanayam ni Mav ang Assistant Coach ni Pacman na si Buboy Fernandez at ibinahagi niyang mayroong iniiwasan si Pacman ngayon.

“Kailangan natin ng ingat kasi unpredictable 'yung weather. Minsan umuulan, minsan umiinit. Hindi natin maiwasan na baka sipunin o ubuhin [si Pacquiao],” ani Assistant Coach Buboy.

Dagdag pa niya, hindi na raw puwedeng magkasakit si Pacman dahil maaapektuhan nito ang 100 percent condition ng eight-division world boxing champion.