Celebrity Life

Rochelle Pangilinan, ginagawang driver si Arthur Solinap?

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Limang taon nang magkarelasyon ang Kapuso actors na sina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap. Nagkakilala sila sa one of the longest-running afternoon show na Daisy Siete na umabot nang 26 seasons.

Sa Daisy Siete nabuo ang pagmamahalan ng dalawa at noong 2009, naging official at inamin na nila sa publiko ang kanilang relasyon. Nang matapos ang afternoon show, muling nagsama sina Rochelle at Arthur sa Ilumina.

Pagkalipas ng apat na taon, muli na namang nagsama ang dalawa sa isang project dahil sa Ang Lihim ni Annasandra.

Ayon kay Rochelle, matagal na niyang hinihintay ang pagkakataong ito. Aniya, “Siyempre sobrang masaya. Ang sarap sa pakiramdam though hindi naman kami laging magkakasama bilang ako nga ay isang awok at siya (Arthur) ay tao.”

Kung dati raw ay hirap sa komunikasyon, hindi na raw ito naging problema ngayon. “Ang maganda lang kasi kapag nariyan lang siya, hindi mo na kailangang tawagan lalo na ang location ay walang signal. So hindi na ako magwo-worry na 'beh, wala akong signal.' Nariyan lang siya sa kabilang tent,” anang aktres.

Mas inspired ba si Rochelle dahil napapanood siya ng kanyang boyfriend tuwing taping? “Siyempre mas nakaka-inspire kasi nariyan lang siya sa tabi. Nakakatuwa kasi kung papanoorin niya ako and kung mayroon akong pangit na nagawa, masasabihan niya ako,” bahagi niya.

Dagdag pa niya, “Lagi niya akong sinasabihan kapag kulang [ang acting ko]. Lagi niya akong ginaganoon. Maniwala man kayo at sa hindi. (laughs)”

Bukod sa dinadalang inspirasyon ni Arthur kay Rochelle, mayroon pa raw isang importanteng role ngayon ang kanyang boyfriend of 5 years.

Ani Rochelle, “Nakakatuwa kasi hindi na ako mahihirapang mag-drive. May driver na ako for free!”