Celebrity Life

Dingdong Dantes, aminadong na-stress habang papalapit ang kasal

By CHERRY SUN



Inamin ng Kapuso Primetime King at groom-to-be na si Dingdong Dantes na na-i-stress siya habang papalapit ang kasal nila ni Marian Rivera. Kasabay rin kasi ng kanilang wedding preparations ay ang paghahanda niya para sa kanyang Metro Manila Film Fest entry na Kubot.

“Pag na-i-stress ka, ibig sabihin linalagay mo ‘yung buong effort mo eh. Ibig sabihin parang hindi ka lang masyadong rumerelax. Maganda na ma-experience mo rin minsan ‘yun at one point in this whole journey because it will make you appreciate it more. The fact na pinaghirapan mo siya,” bahagi ng aktor sa Unang Hirit.



Labingwalong araw na lang bago ang kanilang pag-iisang-dibdib ni Marian. Ngunit sa halip na magpahinga ay patuloy pa rin ang kanyang pagtutok sa kanyang pelikula.

“Madalas, sinasabi natin na mas maganda ‘yung una kaysa sa sequel. Pero ito confidently masasabi ko na mas maganda talaga 'yung pangalawa. Mas pinagandang istorya, mas marami kami sa cast, mas pinatinding effects, at lahat ng mas nandito,” pagmamalaki ni Dingdong.

Kasunod ng Tiktik at Kubot ay asahan ding may mga susunod pang installment ang The Aswang Chronicles dahil sa pagsasanib-pwersa ng tatlong film outfits.

Kahapon ay pumirma ng isang partnership contract sina GMA Films President Atty. Annette Gozon-Abrogar, GMA Films Project Director Joey Abacan, Dondon Monteverde at Direk Erik Matti ng Reality Entertainment, at pati si Dingdong para sa Agosto Dos Pictures.