Celebrity Life

Role with a twist ang dapat abangan kay Ryza Cenon sa 2015

By MARAH RUIZ

Nagdiwang kamakailan ng kanyang kaarawan sa East Avenue Medical Center ang aktres na si Ryza Cenon kasama pa ang iba pang mga Kapuso beauties.


Naghanda at naghandog ng mga regalo si Ryza sa mga bata na nasa ospital na ito noong December 13. Kasama din niya sina Bettinna Carlos, Chynna Ortaleza at Ina Feleo.

Nang tanungin si Ryza kung ano ang birthday wish niya para sa sarili, nakangiti niyang isinagot na nais lamang niya ng "happiness and good health."

December 21 pa ang talagang birthday ng aktres, pero plano niyang magtrabaho ng araw na iyon. "I have a bazaar," aniya.

Ayon kay Ryza, nakasanayan na niya na magtrabaho tuwing kaarawan niya. "Kapag nag-party gastos lang. Mas maganda kapag 'yung may pumapasok talaga [na pera] pag birthday mo."

Nagawi naman ang usapan sa mga projects niya sa susunod na taon. "Marami kayong dapat abangan. Hintayin ninyo ako sa Kailan ba Tama ang Mali? Kasama ako dun," ibinahagi niya.

"Ang role ko dito, kapatid ni Empress [Schuck]. Ako 'yung mag-aalaga sa kanya. Pero meron ding mystery sa character niya," dagdag pa nito.

Ito ba ay isang kontrabida role? "Hindi ko pa alam, kasi may twist eh. Kailangan lang talaga nilang abangan," wika ni Ryza. "Medyo pailalim 'yung atake ng character [ko] sa Kailan ba Tama ang Mali?"

Panoorin si Ryza Cenon, pati na din sina Geoff Eigenmann, Max Collins, Dion Ignacio at Empress Schuck sa Kailan Ba Tama ang Mali? Malapit nang mapanood sa GMA.