Celebrity Life

Dingdong Dantes, kumonsulta sa mga pari para sa kanyang role sa 'Pari 'Koy'

By MICHELLE CALIGAN


"I feel holy, of course."

Ito ang naging sagot ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes nang tanungin ng entertainment press ang kanyang pakiramdam kapag suot niya ang sutana ng kanyang character sa pinakabagong teleserye ng Kapuso network, ang Pari 'Koy.

Gagampanan ni Dong ang title role ng naturang faith-seryeng bubuhay ng ating pananalig sa Diyos, sa kapwa at sa ating mga sarili.

"Character siya ng isang paring masayahin. Siya 'yung hindi typical na pari na makikita mo. Madalas siyang nakikihalubilo sa kanyang mga kasama sa parokya," paglalarawan niya kay Father Kokoy.

Dagdag pa niya, "Mahilig siya sa musika, member siya ng banda. Healthy lifestyle talaga, ina-advocate niya ang healthy lifestyle."

First time ni Dong sa role na ito, kaya maigi niyang pinaghandaan ang pagbibigay buhay sa isang pari.

"Mapalad ako na may mga kaibigan talaga akong pari kaya kahit papano nakikita ko, natatanong ko sila kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pagganap ng role ng isang pari."

Ayon pa sa award-winning actor, kaabang-abang ang buong kuwento ng upcoming Telebabad series.

"It's an inspirational drama that deals with the daily issues sa buhay ng mga Pilipino. Nagkataon na ang ginagamit na kuwento ay ang kuwento ng isang pari. Kuwento rin siya ng pamilyang Pilipino, kuwento ng lahat."