Celebrity Life

Manny Pacquiao, pumasok sa boxing dahil sa 50 pesos

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Alam naman ng lahat na laki sa hirap si Pambansang Kamao Manny Pacquiao. Makalipas ang 20 years, ibang-iba na ang pamumuhay ni Pacman mula noong una siyang sumabak sa boxing.

Na-interview ni GMA News reporter Connie Sison ang ilan sa kaanak ni Pacquiao sa Los Angeles kanina. Dito ay ikinuwento ng tiyahin ni Pacquiao na si Lilian Lao ang pinagdaanan ni Pacman bago makamit ang tagumpay na dinaranas ngayon.

Hindi raw makakalimutan ni Lilian ang unang boxing fight ni Pacquiao sa edad na 16 years old. Nagulat na lang daw sila nang biglang lumaban si Pacquiao dahil isang hamak na tindero lang siya ng mani noon.

“Unang-unang nakita siya na nag-boxing doon sa plaza na dala-dala [niya ang panindang] mani. Iniwan ba naman ang mani at talagang sumali siya. Naengganyo siya sa premyo na 50 pesos,” pahayag ng tiyahin ni Pacman.

Nang manalo raw si Pacquiao ng halagang 50 pesos, agad daw siyang tumakbo sa inang si Mommy Dionisia para ibigay ang napanalunang premyo. Ito raw ang magpapatunay kung gaano kabait si Pacman mula pa noong bata pa siya.

Ikinuwento rin ng kapatid ng Pambansang Kamao na si Bobby Pacquiao kung paano sila inalagaan ng kanilang kuya noon.

"Gumagawa siya ng paraan kung paano magkapera para may pambaon kami o pambili ng bigas,” ani Bobby.