Celebrity Life

#FromTheArchives: Yasmien Kurdi, patagong pumupunta sa Divisoria at Quiapo

By MARY LOUISE LIGUNAS

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com


Inamin ni Kapuso actress Yasmien Kurdi sa The Tim Yap Show na paminsan-minsa’y inaasam pa rin niya ang tahimik na buhay sa likod ng camera.

Dahil maaga siyang sumabak ng showbiz, marami siyang hindi naranasan.

“Gusto ko maging normal na mamamayan. Gusto ko mag-jeep, gusto ko mag-tricycle, gusto ko mag-MRT kasi 'yun 'yung mga hindi ko na-experience dahil ang bata ko nga nag-showbiz,” sabi niya.

Sa kagustuhang masubukan ang mga ito, ginawan niya ng paraan na makalibot ng Maynila nang hindi nakikilala ng maraming tao.

“Ginagawa ko nga (ay) nagsusuot ako ng hijab (kasi dad ko Muslim)… 'Yung mata lang minsan kita then I go to Divisoria, nag-MRT ako, I go to Quiapo… Gusto ko 'yung ganun (tapos) namamalengke lang (ako). Nag-jeep ako nun, nag-MRT ako nun… Ang saya,” dagdag niya.

Gayunpaman, dahil ilang beses na niyang ginawa ang patagong pamamasyal, madalas na siyang nakikilala ng mga tao sa mall.

“Ito nga 'yung funny. Pumunta ako noon sa isang mall. Sabi nila, “’Si Yasmien o. Ano na naman ba 'yung costume niya?’ Natawa (na lang) ako,” aniya.