Celebrity Life

Marian Rivera, nagpa-check up para malaman ang kasarian ng anak

By CHERRY SUN

Bago pumunta sa kanyang contract signing kahapon, May 26, ay nagpa-check-up muna si Marian Rivera sa kanyng OB-Gynecologist upang malaman ang kasarian ng una nilang anak ni Dingdong Dantes.

Boy o girl kaya ang firstborn ng Dantes couple?

Sa ulat ng 24 Oras ay ipinahayag ni Marian na hindi pa natiyak kung babae o lalaki ang kanilang magiging unang anak.

Aniya, “Akala namin makikita na namin. Kasi pag may nakikita, biglang magtatago siya. Ibubuka niya ulit, magtatago uli siya.”

Wala mang kumpirmasyon, pakiramdam daw ni Marian na tila lalaki ang kanilang magiging panganay. Ayon pa kay Dingdong, mapalalaki o mapababae ay okay lang daw sa kanila.

“Ang mahalaga eh healthy siya at lumaking mabuti. So, sa ngayon wala muna kaming hinihiling. Kung ano ibigay ng Panginoon, we will be very grateful,” sambit nito.

Ayon rin sa parehong ulat, hindi raw delikado ang pagbubuntis ng Kapuso Primetime Queen kaya hindi siya pinagbabawalan ng kanyang doktor na mag-swimming, mag-aerobics at gumawa ng iba pang ehersisyo.

Gayunpaman, ma-ingat pa rin ang Kapuso mom-to-be.

“Very sensitive talaga ang buntis - konting arte lang, may mapanood ka lang sa TV.. Kaya ako pinipili ko ‘yung mga pinapanood ko, pinapakinggan ko at mga kasama ko. So, lahat lang talaga ng makakapagpasaya sa akin,” wika ni Marian.