Celebrity Life

Julie Anne San Jose, nasubukang maging construction worker

By MARY LOUISE LIGUNAS



Iba’t-ibang klaseng trabaho ang nasusubukan ni Kapuso star Julie Anne San Jose dahil sa kanyang pag-host ng GMA News TV show na Day Off.

Noong nakaraang Sabado ay nararanasan niyang maging isang construction worker kasama ang co-host na si Pekto.

Isa sa mga kinailangang gawin ni Julie Anne ay ang paghakot ng buhangin, na karaniwa’y ginagawa ng mga kalalakihan. Naging isang malaking pagsubok ito para sa singer-actress.

“Yung sa akin, naghakot ako ng buhangin. Ang hirap talaga kasi kailangan puno 'yung nasa wheelbarrow mo, eh ako, ilang beses natumba 'yung wheelbarrow ko,” kuwento niya sa palabas.

Bukod dun ay niloloko rin siya ni Pekto na unang natapos sa kanyang gawain. Naunang matapos kumuha ng semento ang komedyante bago makahakot ng buhangin si Julie Anne.

“Ang tagal ng buhangin, kanina pa ko dito. Hay nako, naiinip na 'yung semento,” pabirong sinabi ni Pekto.

Sumagot rin si Julie Anne na sinusubukang isantabi ang hilo dahil sa init ng araw.

“Yan tayo eh. Ang mga lalaki talaga, walang pasensya eh. Ayaw na ayaw nila naghihintay,” wika niya.

Pagkatapos ng pagsubok ay masaya si Julie Anne na nagampanan niya ang pagiging construction worker sa araw na yun.

“Sabi ko ‘di ko na kaya… Pawis na pawis na ‘ko. Malapit na ko masuka… Pero ‘di naman ako nasuka. ‘Di naman natuloy. Pero okay lang naman ako,” aniya.

Nagpapasalamat si Julie Anne sa pagkakataon dahil marami siyang natutunan at nag-enjoy rin daw siya.

“Yes, more sweat, more fun.”