Celebrity Life

Heart Evangelista, excited nang bumalik sa drama

By MARAH RUIZ

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Inilarawan ni Heart Evangelista ang sarili bilang "very happy at very excited" nang ibigay sa kanya ang isang role sa nalalapit na Telebabad drama series na Beautiful Strangers.

"It's been a year since Magkano Ba Ang Pag-ibig? so I'm very refreshed and well rested, and I'm ready again to work," bahagi nito.

Si Heart ay gaganap bilang si Kristine, isang doktor na tutulong sa isang babaeng pagtataksilan siya sa huli. Excited na daw siya dahil makakasama niya dito ang kanyang kaibigang si Lovi Poe at sila pa ang magiging magkatunggali sa kuwento.

WATCH: Heart Evangelista's revenge

Hindi naman daw nila alintana ni Lovi ang mga intrigang ibabato sa kanila bilang on-screen rivals.

"Actually gusto namin 'yun eh. Gusto namin ni Lovi ng challenge. Gusto namin 'yung nag-aaway kami kasi we are very comfortable with each other," ayon kay Heart.

Nasubukun na daw kasi nilang ang ganitong sitwasyon sa isang dramang pinagsamahan nila noon.

"Dati nagkaroon kami ng sort of like that relationship sa Legacy, and maganda kasi ang bonding and understanding namin so pagdating sa mga conflict scenes, game kami," sabi nito.

READ: Lovi Poe, handa na sa kakaibang role sa Beautiful Strangers

Ang tanging alinlangan lang daw niya ay ang mga eksena kasama ang boyfriend ni Lovi na si Rocco Nacino. Hindi man daw selosa ang kaibigan, awkward pa rin para sa chinita beauty dahil may bahagi ang Beautiful Strangers na sila ni Rocco ang magiging magka-pares.

"She (Lovi) said, 'Don't worry, just be comfortable.' Pero tinutukso niya ako. Awkward," natatawang kuwento ni Heart.

Abangan ang pagbabalik ni Heart Evangelista sa primetime ngayong Hulyo sa Beautiful Strangers.