Celebrity Life

Barbie Forteza, nakangiti pa rin kahit pagod na

By AL KENDRICK NOGUERA


Mayroon daw ilang mga artista na nagiging masungit kapag pagod na pero ibahin ninyo si The Half Sisters star Barbie Forteza. Ayon sa kanya, tuwing nakararamdam siya ng pagod ay iniisip na lang niya ang mga tao sa paligid niya na napapagod din.

Ginawang halimbawa ni Barbie ang dinaluhan niyang GMANetwork.com Live Chat kamakailan.

LOOK: Barbie Forteza, nag-celebrate ng kanyang 18th birthday kasama ang GMANetwork.com

"Hindi ko alam [kung saan ko kinukuha 'yung energy ko]. Kasi iniisip ko 'yung mga tao na nag-abala and 'yung mga tao na nag-effort na makasali sa chat na 'to," pahayag ni Barbie.

Hindi raw puwedeng sabihin ni Barbie na pagod na siya dahil marami ang maaapektuhan. Aniya, "[Kung] iisipin ko na ay pagod ako, ay kulang ako sa tulog. Bakit sila ba hindi? 'Di ba lahat tayo ganoon naman?"

Dagdag pa niya, "Lalong-lalo na ako 'yung nakikita sa camera so dapat mas dagdagan ko pa 'yung effort ko."

"Hindi naman sa nagpapaka-plastic ako, totoo naman lahat 'yon. Mas ina-uplift ko lang 'yung sarili ko na maraming nag-abala para sa 'kin. Dapat ikatuwa ko 'yon kasi pinapansin nila ako," pagtatapos niya.