Celebrity Life

Kris Bernal, handa nang gampanan ang pinakamabigat na role sa kanyang showbiz career

By AL KENDRICK NOGUERA



"Ang tagal kong hinintay 'to and honestly, never pa akong nakagawa ng ganitong role, ngayon lang talaga," saad ni Kapuso actress Kris Bernal nang tanungin siya tungkol sa kanyang bagong project na Little Nanay na ipapalabas na simula Nobyembre sa GMA Telebabad. Gagampanan ni Kris ang role ng isang ina na mayroong sakit sa pag-iisip kaya't kailangan ng mature na acting para bigyang buhay ang character na ito.

"Hindi siya madali kasi 'yung character ko, mayroon siyang disability. Feeling ko so far, ito 'yung magiging pinaka challenging role for me sa lahat ng ginawa kong drama at sa lahat ng pag-iyak-iyak ko. Ito yata talaga 'yung mapapasubok ako," saad niya.

Dahil mabigat ang role, ngayon pa lamang ay nagsimula nang paghandaan at pag-aralan ito ni Kris. Sa katunayan nga ay nakihalubilo ang aktres at inobserbahan niya ang mga taong mayroong intellectual disability sa pamamagitan ng isang immersion.

Aniya, "Grabe 'yung preparations, 'yung immersions at workshops na kailangan kong pagdaanan."

"Kailangan kong pag-aralan kung paano ko siya gagawin. May pegs ako, may pinanood akong movies tapos bumisita rin ako sa may mga ganoong situation.

Malaking tulong ang immersion ni Kris sa community ng mga taong may sakit sa pag-iisip para sa paghahanda sa kanyang Little Nanay role. Bukod dito ay nakipag-usap din siya sa isang psychiatrist para lalong maintindihan ang sitwasyon ng taong mayroong intellectual disability.

Asahan namang magagampanan nang maayos ni Kris ang kanyang itinuturing na most challenging role dahil gagabayan siya ni Direk Ricky Davao. Makakasama rin ni Kris sa upcoming Telebabad soap ang mga primyadong aktor na sina Nora Aunor, Bembol Roco at Eddie Garcia. Kabilang din sa cast ang Kapuso stars na sina Mark Herras, Juancho Trivino, Hiro Peralta, Sunshine Dizon, Renz Fernandez at ang child star na si Chlaui Malayao.