Celebrity Life

“Binigyan ninyo siya ng kahalagahan” – Marichu Maceda on Kuya Germs

By CHERRY SUN

Pagpapasalamat ang naging tema ng speech ng beteranang film producer at matalik na kaibigan ni German “Kuya Germs” Moreno na si Manay Marichu Maceda tungkol sa yumaong Master Showman.

Ipinaliwanag daw noon ni Kuya Germs kay Manay Ichu na ang pagtulong niya sa mga nag-aambisyong maging artista ay mula sa kanyang personal na karanasan. Dati kasi ay nagtrabaho bilang isang janitor at telonero sa Clover Theater si Kuya Germs bago siya mabigyan ng pagkakataon bilang isang aktor at komedyante.

Bahagi ni Manay Ichu, “That was his way of paying forward. ‘Hindi ko man mapasalamatan si Don Jose Zara, hindi ko man mapasalamatan ang magulang mo, mapapasalamatan ko sila by helping others.’”

READ: "Kuya Germs really has a heart where he wants to help" - Jackielou Blanco 

Ikinuwento rin niya ang dedikasyon ni Kuya Germs sa kanyang trabaho. Bago raw mag-Bagong Taon ay tinawagan siya ni Kuya Germs. Dito ay nabalitaan niyang excited ang Master Showman sa pagsali sa Kapuso Yearend Countdown kahit na maaari itong magkasakit.

‘Naku, hindi Manay,’ sabi niya. ‘In fact umulan pa nga.’ Tawa siya ng tawa. Enjoy na enjoy siya. Gustong-gusto niya ang kanyang ginagawa,” kuwento ni Manay Ichu nang kamustahin niya si Kuya Germs.

“He loved everything about showbiz,” patuloy ng beteranang film producer.

Masaya rin si Manay Ichu dahil sinubukang tumbasan at ibalik ng Kapuso network at mga taong malapit kay Kuya Germs ang kanyang pagmamahal sa industriya.

Aniya, “Nais ko kayong pasalamatan dahil alam ko ‘yung pagkakataong ibinigay niyo sa kanya, napakalaking bagay. Binigyan niyo siya ng kahalagahan, binigyan niyo siya ng respeto."

“Nais kong pasalamatan ang pamunuan ng GMA 7, ang lahat ng mga artista, mga direktor, writers, camera men, technician sa pagpapahalaga na ipinakita ninyo kay German. Hinding hindi niya makakalimutan ‘yun. Maraming maraming salamat po,” dagdag din niya.

Sa harap ng mga nagmamahal at sumusporta kay Kuya Germs ay nagbigay-pugay si Manay Ichu sa kanyang matalik na kaibigan.

LOOK: Farewell to the one and only Master Showman 

Wika niya, “At bilang pagpapaalam kay German, nasa likod niya ngayon ang pulang telon. Na-envision ko ‘yun ang magiging backdrop sa pagpapaalam niya sa mundo. Nadyan ang glitter, nandyan ang chandelier. It is so fitting, ‘yung setup for your goodbye.”

“German, bravo Master Showman for a life well lived, for a job well done. Bravo,” pagtatapos ni Manay Ichu.