Celebrity Life

Nora Aunor on Kuya Germs: 'Gusto ko po ako ang magpatuloy ng show n'ya'

Sa libing ni Master Showman German “Kuya Germs” Moreno ngayong hapon, isa si Superstar Nora Aunor sa nagsalita at nagbigay ng kanyang huling mensahe patungkol sa kanyang matalik na kaibigan.

EXCLUSIVE: Farewell to the one and only Master Showman

Ikinuwento niya kung paano nagsimula ang kanilang pagkakaibigan at kung ano ang papel na ginampanan ni Kuya Germs sa kanyang career at pati na rin sa kanyang pamilya.

“Si Kuya Germs po ang isang taong napakabait. Hindi lang ako ang minahal n’yan, minahal niya ang mga anak ko, “ pahayag ng Little Nanay star.

Tunay na itinuturing na tatay-tatayan ang Master Showman ng karamihan sa mga taga showbiz, sa harap man o likod ng mga camera. Hindi matatawaran ang kanyang kontribusyon sa showbiz at magpahanggang ngayon, marami ang tumatanaw ng utang ng loob kay Kuya Germs.

LOOK: Mga artistang pinasikat ni Kuya Germs

“Napakaraming niyang tinulungan. Ang inaalala ko ay iyong mga kabataan sa show niya na gusto niyang tulungan. Kung puwede nga sana na ako ang magpatuloy ng Master Showman ngayong wala na s'ya at maipagpatuloy ang programa,” ang madamdaming pahayag ng multi-awarded actress.

“Alam ko kasi na gusto niyang makatulong sa mga kabataan lalong lalo na ngayon. Nakahanda po ako na ako po ang gagawa ng mga ginagawa niya sa kanyang mga show, sapagkat alam ko po na mahal na mahal niya ‘yung show na 'yun.”

Dagdag pa ng beteranang aktres, “Kung hindi po aalisin ‘yung show n'ya, gusto ko po ako ang magpatuloy nito. Ako ang tatayo na Kuya Germs, para po matupad ang kanyang pangarap at maipagpatuloy ang pagtulong sa kabataan na gustong pumasok sa industriya.”

Pati rin daw ang programa ni Kuya Germs sa radyo, handa rin niyang akuin. Tunay na naging malaki ang impluwensiya ng Master Showman sa mga taong nakapaligid at nagmamahal sa kanya.

Bago siya magtapos, humiling siya sa kanyang kaibigan. “Kuya Germs, tulungan mo akong maipagpatuloy ko ang iyong layunin na tulungan ang mga kabataan.”

"What’s next for these kids?" – Federico Moreno

Ihinatid sa huling hantungan ang Master Showman ngayong araw sa Loyola Memorial Park, Marikina City.