Celebrity Life

LOOK: Janine Gutierrez at Pilita Corrales, pinagbiyak na bunga sa mga larawan

By CHERRY SUN

Isang henerasyon man ang pagitan, mapapansin ang pagkakahawig ni Janine Gutierrez at kanyang lola na si Pilita Corrales.

Kung babalikan ang mga lumang litrato ng Asia’s Queen of Songs noong kanyang kabatan ay para na ring tinitignan ang Kapuso actress na si Janine.

Sa panayam ng 24 Oras ay sumang-ayon si Pilita at anak nitong si Jackie Lou Blanco na magkamukha nga si Janine at ang kanyang Mamita.

“Ang sinasabi ko, ‘Ang ganda ko pala dati.’ Ako na lang nagsasabi. ‘Ang ganda ko pala,’” natatawang pag-amin ni Pilita.

Dagdag naman ni Jackie Lou, “’Maswerte ka, when you reach a certain age, Mamita itsura mo,’ sabi ko. ‘Aba, maganda ka.’”

Sa hiwalay na panayam kay Janine, ibinahagi ng batang aktres na tila pinagbiyak na bunga sila ng kanyang lola.

Aniya, “Kasi iniisip ko din kung paano ko siya naging kamukha. Na-figure out ko na, kasi kamukha niya si Papa. Para siyang babaeng version ni Papa kaya siguro may nagsasabi din na kahawig ko siya.”

Aliw na aliw din daw si Jaine kapag nakikita ang mga litrato ng kanyang Mamita.

“’Yung ginagawa niya when Mamita brings out the albums, ‘Oh my gosh, Mamita wait, I’ll take a picture,” kuwento ni Jackie Lou.

“Actually galing ako sa bahay ni Mamita noong Linggo, tapos bagong lipat kasi ako ngayon sa condo ko. Hinihingi ko ‘yung mga luma niyang picture kasi gusto kong ilagay sa bahay ko,” sambit naman ni Janine.

Abala ngayon si Janine dahil kabilanga sa Sinag Maynila Film Festival ang kanyang pelikula na Lila. Magsisimula na rin ang kanyang taping para sa upcoming primetime soap niya kasama si Aljur Abrenica.


Video courtesy of GMA News