Magkapatid na Carlos at Karl Eldrew Yulo, muling nagkasama sa 2024 PSA Awards Night

Spotted sa katatapos lang na PSA Awards Night ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos “Caloy” Yulo.
Naging espesyal ang pagdalo ni Caloy sa big event dahil muli silang nagkita ng kaniyang nakababatang kapatid na si Karl Eldrew Yulo.
Sa naturang event, kinilala si Caloy bilang Athlete of the Year, habang si Karl Eldrew ay tumanggap ng Tony Siddayao Award.
Sa isang reel na in-upload ng GMA Integrated News sa Facebook, mapapanood na panandaliang napahinto si Karl Eldrew sa kaniyang panayam sa GMA Sports nang bigla siyang lapitan ni Caloy.
Sa isang hiwalay na panayam, nagbigay ng pahayag si Caloy tungkol sa estado ngayon ng kaniyang kapatid bilang isa ring gymnast gaya niya.
Ayon sa Olympic medalist, bago ang awards night ay nagkasama na sila ng kanyang kapatid sa ilang training.
“Medyo matagal din po akong nawala. Based po sa mga nakita ko po sa mga training, malaki po 'yung naging improvement niya po sa trainings,” sabi niya.
Pagpapatuloy ni Caloy, “Magaling na rin po siya sa favorite events niya, super proud po. Nakakatuwa na, nakasama po ulit sila ng teammates sa trainings.”
Kasunod nito, nagbigay siya ng payo para sa kanyang kapatid na si Eldrew.
Sabi niya, “Talented naman po siya, malaki po yung opportunity para sa kanya, tuluy-tuloy lang po 'yung pagte-training and mas mag-focus po sa goals niya sa buhay. Ako, masaya po ako sa kung ano po 'yung ginagawa niya as long as wala siyang tinatapakang tao.
“Kung 'di man po maabot 'yun, proud na proud pa rin ako sa dedication at hardwork na binibigay niya sa araw-araw na practice,” pahabol ni Caloy.
Matapos ang event, nagbigay din ng pahayag si Karl Eldrew tungkol sa tagumpay ng kaniyang kapatid na si Caloy, “Gusto ko rin 'yang ganyang award Athlete of the Year and I'm so proud of him always. You know I cried so much nung Olympics [nang manalo siya] siyempre that's my dream so, parang na-achieve niya 'yung dream ko. Anyways, I'm so proud of him and proud of all athletes.”
Maraming netizens at fans nina Caloy at Karl Eldrew ang natuwa na nagkasamang muli ang Yulo brothers.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang pamilya ng magkapatid dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Carlos at ng kanyang inang si Angelica Yulo. Sa kabila nito, nananatili namang maayos ang relasyon ng atleta sa kanyang mga kapatid.
Samantala, tingnan ang ilang celebrities na nagkaayos matapos ang matagal na hidwaan sa gallery na ito:













































