Celebrity Life

EXCLUSIVE: Kapuso 'It Girl' Janine Gutierrez, nasa kolehiyo pa lang sa Ateneo suki na ng mga ukay-ukay

By Aedrianne Acar

Hindi mo kailangan gumastos ng malaki para maging fashionable. 

FIND OUT: Sinong Kapuso showbiz royalty ang bumibili sa ukay-ukay?

Ito ang pinapatunayan ng Kapuso showbiz royalty na si Janine Gutierrez matapos mapag-usapan ang isa sa kaniyang mga OOTD sa recent niyang bakasyon sa Spain na nabili niya sa ukay-ukay. 

Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa magandang anak ni Lotlot de Leon, umamin si Janine na nasa kolehiyo pa lang siya sa Ateneo de Manila University (ADMU) ay suki na siya ng mga ukay-ukay. 

Nagtapos ng kursong European Studies ang Kapuso actress noong March 2011 sa ADMU na isa sa mga eskuwelahan na may pinakamahal na tuition fee sa bansa. 

Wika niya, "When I was in college kasi halos lahat ng damit ko ukay talaga, kasi siyempre 'pag estudyante ka maliit lang talaga 'yung budget mo. So, 'yun lang talaga 'yung ma-afford ko eh wala kaming uniform sa Ateneo, so kailangan din namin ng madaming damit, palit-palit, araw-araw kang pumapasok eh. So nung college, madalas talaga ako mag-ukay." 

Masarap daw sa pakiramdam na nakakahanap siya ng mga paborito niyang OOTD sa murang halaga. 

Ani Janine, "Tapos bago ako mag-Europe naisip ko na sumilip uli sa ukay and 'yun may mga nahanap ako. Masaya-masaya 'yung feeling kapag nakahanap ka at nakatipid ka pa."

Ano naman kaya ang pinaka-favorite piece niya na nabili niya sa isang thrift store? 

"Oh my gosh, ang dami kong nahanap dati. Pati mga sapatos sa ukay ko binibili."