Celebrity Life

WATCH: Kapuso stars, nagbahagi ng kanilang phobia

By Cherry Sun

Ibinahagi ng ilang Kapuso stars sa panayam ng 24 Oras ang kanilang pinakakinatatakutan.

Kuwento ni Rocco Nacino, nagsimula ang kanyang phobia noong siya ay bata pa.

Aniya, “Nakahuli kami ng daga sa bahay at ‘yung daga na ‘yun, gumapang paakyat ng binti ko. So simula nang time na ‘yun, bata pa ako noon, nagkaroon na ako ng fear sa mga daga.”

Samantala, ang Inday Will Always Love You star at komedyante na si Tekla, ahas naman daw ang kinatatakutan.  

Pag-alala niya, “Nangunguha kami ng bayabas nung bata, then pagbaba ko naka-ganun (ready to attack) na siya sa baba. So parang hinabol talaga ako.. sobrang paakyat-akyat ako.”

Ahas din ang biggest fear nina Gabbi Garcia at Kim Domingo.

Sambit ni Gabbi, “Ayaw ko talaga ng snakes. Hindi ako comfortable to be around snakes.”

“Dati sa tinitirahan namin noong bata pa ako, meron sa kisame. So that time, grabe, takot na takot ako,” bahagi naman ni Kim.

Nagkuwento rin ng kanilang phobia ang magnobyo at magnobya na sina Benjamin Alves at Julie Anne San Jose.

“I’m really scared sa palaka. Kahit malayo siya, hindi ko kaya,” wika ni Benjamin.

“I was scared of worms and cockroaches. Tina-try ko na siyang hawakan pero like never [ako naging comfortable],” saad naman ni Julie.

Kung karamihan ng Kapuso stars ay nagbanggit ng kinatatakutan nilang hayop, si Kyline Alcantara naman ay may claustrophobia.

“Takot po ako sa mga masisikip na places. So ayun, hindi ko po kaya ‘yun, hindi po ako nakakahinga,” paliwanag niya.

Sa parehong report sa 24 Oras, ibinahagi ng psychologist na si Dr. Aida Perez na normal lang magkaroon ng phobia at pwede itong mapawi sa pamamagitan ng  systematic desensitization at cognitive therapy.