Celebrity Life

Asawa ng COVID-19 victim na si Dr. Greg Macasaet, nanatiling buhay at mabuti ang kalagayan

By Jansen Ramos

Tinuldukan ng Department of Orthopedics Chairman ng Manila Doctors Hospital (MDH) na si Dr. Benigno "Iggy" Agbayani, Jr. ang mga haka-haka tungkol sa kondisyon ng kanyang kapwa MDH doctor na si Dr. Evalyn Macasaet, isang anesthesiologist, na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ay matapos pumanaw ang asawa ng huli na si Dr. Greg Macasaet, na isa ring anesthesiologist, dahil sa COVID-19 na pinaniniwalaang nakuha nito mula sa kanyang pasyenteng bumyahe abroad.

"Happy to share to all that Dra. Evelyn Macasaet of MDH is alive and well. Not intubated and definitely not dead. March 23, 2020," sambit ni Dr. Iggy sa kanyang Facebook post noong March 23.

Kaugnay ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan kabilang ang health workers, iminungkahi ni Dr. Agbayani sa Department of Health na magsagawa ng test para sa mga asymptomatic frontliners sa pamamagitan ng PCR (Polymerase Chain Reaction) laboratories, na tinatayang pinaka-reliable sa pag-diagnose ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, nasa lima na ang bilang ng doktor na nasawi sa bansa dahil sa COVID-19.