Celebrity Life

Kakai Bautista, ipinasilip ang ipinapagawang bahay

By Marah Ruiz

Tatlong bahay na mahahalaga sa kanya ang ipinakita ni Dental Diva Kakai Bautista sa kanyang bagong vlog.

Bukod sa mga bahay, ibinahagi dito ni Kakai ang pag-uwi niya sa kanyang pamilya sa unang pagkakataon simula nang magkaroon ng quarantine.

"Ngayon ay first tme kong uuwi ng Laguna, sa family ko sa loob ng anim na buwan," aniya sa simula ng video.

Una niyang binisita ang bahay na kasalukuyan nilang tinitirahan. Nag-celebrate na sila ng kanyang pamilya ng birthday ng kanilang pet dog na si Chuchie Pie.

Matapos nito, ipinakita din ni Kakai ang bahay na kasalukuyan niyang pinapagawa.

Pursigido siyang magpatayo ng sariling bahay dahil matagal na silang nagrerenta.

"'Yung kanina nating pinuntahan na bahay, matagal na kaming nagre-rent doon. Mabait sa amin ang landlady saka landlord kasi hindi sila nagtataas ng presyo," kuwento niya.

Nasimulan naman niya ang pagpapagawa ng bahay mula sa kinita niya sa commercial ng isang sikat na fastfood chain. Sa kasamaang palad, natigil ang pagpapagawa nito dahil sa quarantine.

"'Di ko pa alam kung malalagyan ng laman at kailan mapapaayos. Sana ngayong taon dapat mga August or July kung hindi nga nagka COVID-19. Pero dahil nawala 'yung mga trabaho, ngangna," paliwanag ni Kakai.

Ibinahagi din niya na balak niya itong palagyan ng lanai, dirty kitchen at maliit na laundry area.

Hindi naman pinalamapas ni Kakai na ipakita ang bahay na kinalakihan niya. Matatagpuan ito sa parehong street kung saan sila kasalukuyang nagre-renta.

"Dito ako lumaki. Kung mayroon man akong pinost na mga lumang picture, usually dito 'yun," aniya.

Naka lock ang bahay kaya hanggang labas lang ang naipaikita ni Kakai. Gayunpaman, naalala niyang may garden at puno ng santol at kamias doon dati ang kanyang lola.

Silipin ang tatlong mahalagang bahay sa buhay ni Kakai sa video na ito.