Celebrity Life

Viral online seller na si Madam Inutz, nasorpresa sa lahat ng blessings sa kanya

By Dianne Mariano

Hindi pa rin makapaniwala ang viral online seller na si Madam Inutz, o Daisy Cabantog sa tunay na buhay, sa mga nangyayari sa kanyang buhay at nagpapasalamat ito sa blessings na patuloy na dumarating.

Sa panayam ni Madam Inutz sa Unang Hirit, tinanong ang viral online seller kung ano ang naging reaksyon nito sa kanyang first-ever pictorial na nag-viral sa social media.

“Kahit po ako hindi makapaniwalang ako 'yon. Talagang na-amaze po ako. Na-surprise ako sa mga nangyayari talaga as in hanggang ngayon hindi pa nagsi-sink in 'yung mga nangyayari sa buhay ko. It's such a blessing talaga,” pagbahagi ni Daisy.

Ayon kay Madam Inutz, ang boss niya na si Wilbert Tolentino ang nakaisip ng konsepto para sa kanyang glow up photoshoot na kinaaliwan ng netizens dahil sa napakagandang transformation nito.

Bukod sa pagiging successful na online seller, binansagang na “pandemic social star” si Madam Inutz at ngayon isa na rin siyang vlogger.

Maliban dito, ibinahagi rin niya kung bakit “Madam Inutz” ang naging pangalan niya.

“Siyempre po yung “Madam Inutz” it means na..kasi lahat tayo dumaan sa pandemic. Lahat tayo parang mga literal na inutil dahil sa mga walang trabaho..nganga.”

Sa ngayon, marami pa rin daw ang patuloy na nanghihingi ng shoutout mula sa kanya.

Aniya, “Ngayon po, marami pa rin pong nagpapa-shoutout kaso nga lang 'yung mga bumibili po through messenger na lang kasi hindi na rin sila makapasok kaya nag-memessage na lang sila kapag bumibili ng item. Pero sa mga comment section, talagang puro pa-shoutout na lang.”

Kamakailan lamang, kinaaliwan ng netizens ang Kapuso actress and comedienne na si Pokwang matapos mag-viral ang impersonation nito kay Madam Inutz sa Tiktok.

Nakilala ang viral online seller na si Madam Inutz dahil sa kanyang kakaibang istratehiya sa pagbebenta ng items.

Samantala, silipin ang mga naipundar ng sikat na vloggers at social media stars sa gallery na ito: