Celebrity Life

WATCH: Former PBA player na si Tristan Perez, truck driver na ngayon sa Canada

By Aedrianne Acar

Buong-puso ang naging desisyon ng dating PBA cager na si Tristan Perez na iwan ang career niya bilang basketball player para makasama ang kanyang pamilya sa Canada.

Nakapanayam ng dating Unang Hirit host na si Rhea Santos si Tristan sa OMNI Filipino kamakailan at dito niya ibinahagi kung bakit niya iwan ang papausbong niyang career.

Dating naglaro sa National University Bulldogs si Tristan at nakatikim siya ng kampeonato sa UAAP taong 2014.

Noong 2016 naman, naging professional player si Tristan nang makasama sa Blackwater Elite, pero mas pinili nito mag-abroad para makasama ang asawang si Princess Jhameel Perez.

Kuwento niya kay Rhea, “Ganoon talaga, may pangarap ka, minsan talaga may isa sa inyo na mag-asawa na may igi-give up para magkasama kayo.”

Malaking factor din para sa dating PBA cager na mas magiging maganda ang future ng kanilang mga anak kung pupunta sila sa Canada.

Dagdag niya, “Mas pinili naming mag-Canada kasi ang daming benefits na maibibigay sa future ng mga anak ko. Kumbaga, less worry lang sa future.

“Buo na 'yung desisyon ko e, hindi ako basta-basta magdedesisyon na hindi ko paninindigan, e.”

Tatlong taon ng truck driver si Tristan sa Fort McMurray, Alberta. Inamin din niya sa interview na wala siyang kaalam-alam noon sa papasukin niyang trabaho.

“Honestly wala akong alam sa trabaho, sabi ko doon sa nag-interview sa akin. Pero, ang puhunan ko lang sabi ko, 'I'm willing to learn.'”

Makalipas ang ilang taon, sinabi ni Tristan na napamahal na siya sa kanyang ginagawa at exciting ang pagiging isang driver sa Canada, lalo na at marami silang kinakaharap na challenge.

Aniya, “Hindi siya basta-basta na ida-drive mo na agad 'yung mahabang truck 'di ba? Napaka-delikado, lalo na kami, flammable 'yung dala namin. Dito sa Canada kasi napakahigpit nila sa safety, kailangan magti-training ka, dadaan ka sa training. May schooling kami dito, e.

“Napamahal na ako sa trabahong ito. 'Yung trabaho ko parang hindi siya nakakainip, parang ang dami niyang challenge. Risky siya, pero doon ako nag-e-enjoy e.”

Balikan ang buong panayam ni Rhea Santos sa dating PBA athlete at mapabilib sa trabaho ng kanyang misis na si Jhameel sa video below.

Alamin naman ang kuwento ng iba pang artista at popular Pinoy personalities na piniling iwan ang kanilang career para mag-abroad sa gallery na ito: