Celebrity Life

Herlene Budol, nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanyang Nanay Bireng

By Jimboy Napoles

Nagdadalamhati ngayon ang young comedienne-actress at beauty queen na si Herlene Budol o mas kilala bilang si Sexy Hipon dahil sa pagpanaw ng kanyang lola na si Nanay Bireng, kahapon, araw ng Lunes (June 6).

Hindi lingid sa kaalaman ng mga taga-suporta ni Herlene na si Nanay Bireng ang isa sa mga nag-alaga sa kanya simula sa pagkabata kaya naman batid ng nakararami ang bigat ng kanyang pinagdaraanan.

Sa Instagram, isang madamdaming post ang ibinahagi ni Herlene para sa kanyang namayapang lola.

"Nanay Bireng ko [crying emoji]. Ito ay isang post na mahirap para sa akin na isulat. Nawala na ang aking pinakamamahal na lola ngayon lang umaga 9am 6-6-22 at ma-mi-miss [ko siya] ng sobra," ani Herlene.

Kidney failure at komplikasyon sa katawan dahil sa mga sakit ang itinuturong dahilan ni Herlene sa pagkamatay ng kanyang Nanay Bireng.

Aniya, "Siya ay isang special na babae at ang pagkawala [niya] ay lubos na nararamdaman ng marami, even though she lived a full life. Sa nakalipas na isang buwan, matapang siyang lumaban sa kidney failure at sakit. Due to aging ay marami na rin [siyang] komplikasyon tulad ng high blood, diabetes at pneumonia at ang pinaka masakit ang makita siyang nag durusa sa mga huling oras na iyon ay napakahirap."

Hindi na rin makukumpleto ang pamilya ni Herlene sa pagsuporta sa kanya sa gaganaping Binibining Pilipinas Coronation Night.

"Nanay ko, nangako ka kay @sirwil75 [Wilbert Tolentino] na makakapunta kayo ni Tatay Oreng sa Binibining Pilipinas Coronation Night ko," dagdag pa ni Herlene.


Matatandaan na ang lola at lola ni Herlene na sina Nanay Bireng at Tatay Oreng ang nagpalaki sa kanya simula nang maghiwalay ang kanyang mga magulang.

Pakikiramay at mahigpit na yakap, Herlene.

Samantala, mas kilalanin pa si Herlene a.k.a Sexy Hipon sa gallery na ito: