Celebrity Life

Elmo on acting: “Ito naman talaga ‘yong pinaka-comfort ko”


Hindi dahil lagi siyang nakikitang kumakanta on stage ay ito na ang dream career ni Elmo Magalona. Pati nga ang kaniyang ka-love team na si Janine Gutierrez ay nagulat nang malaman niyang pagiging actor pala ang gustong tahakin ni Elmo.

“Ngayon ko lang nalaman na talagang gusto niya palang mag-artista. Kasi dati akala ko singer talaga ‘yong parang direction niya,” pahayag ni Janine.

Nang tanungin si Elmo sa kaniyang transition from being a singer to an actor, “well, noong bata pa naman ako, 'yun na talaga ‘yong pinaka-comfort ko, ang pag-acting,” sagot niya.

Ayon kay Elmo, bata pa lamang daw siya ay na-expose na siya sa theatre acting. Hilig daw nitong magperform on stage bilang isang actor. Nang pumasok lang daw siya sa showbiz niya nakahiligan ang singing at ang pagiging isang rapper tulad ng kaniyang amang si Francis Magalona.

Maaalala si Francis M. bilang isang magaling na singer at rapper na nang lumaon ay naging artista rin. Sa daang tinatahak ni Elmo, hindi niya maitatanggi na halos sinusunod niya ang yapak ng kaniyang yumaong ama.

“Sinunsundan ko siya [Francis M.] pero hindi diretso. Hindi parehas dun sa talagang ginawa niya because siyempre maraming kaibahan noong generation niya and may generation gap. So may pagkakaiba rin kaming dalawa. Ang mga pangarap ko, iba rin doon sa mga pinangarap niya dati,” saad ni Elmo.

Naaalala pa ni Elmo ang laging sinasabi ni Francis M. sa kaniya, “si Papa, masaya siya kapag nakikita kaming masaya kami sa ginagawa namin. And ‘yon ‘yung pinakatinuro niya sa 'min. Na choose the job that you're gonna be doing for the rest of your life and you’ll be happy with that.” Ito raw ang naging sikreto ni Francis sa kaniyang successful career.

Pero bago raw pumanaw ang kaniyang ama, hindi naman nito ibinilin na mag-venture silang magkakapatid sa acting. Natural na lang daw nangyari at lumabas na pagiging artista pala ang gustong career ni Elmo at ng kaniyang dalawang kapatid na sina Maxene at Saab.

Nang tanungin naman kung anong payo sa kaniya ng ate niyang si Maxene bilang veteran na ito sa drama, sinabi ni Elmo na sobrang supportive ang kapatid sa kaniya. Dagdag pa niya, “she's really expressive with the things that she experiences. So ‘yun, kapag may mga natutuklasan siya sa mga tapings niya, sa trabaho niya, sinasabi niya sa ’min kapag nagkikita kami. Tapos kami na ang bahalang mag-apply noon.”

Abangan si Elmo Magalona sa kaniyang dream acting role bilang Isagani sa upcoming remake ng Villa Quintana, starting on November 4, weekdays on GMA Afternoon Prime.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com