Celebrity Life

Betong Sumaya on Maey Bautista: “Sobrang miss ko na ‘yong partnership namin”


“Kung walang Maey, walang Betong. Kung walang Betong, walang Maey,” ito ang pahayag ni Albert “Betong” Sumaya, Jr. nang kumustahin ng GMA Network.com ang tandem nila ni Maey Bautista.

Sa mga hindi nakakaalam, hindi lang on cam ang Betong and Maey tandem dahil in real life ay matagal na silang magkaibigan. Sa sobrang tagal na nilang magkasama sa industriya, ang lalim na raw ang kanilang pinagsamahan.

Ayon kay Betong, nagkakilala sila ni Maey sa Probe Productions, ang nagpo-produce ng news-magazine show na Probe Team. Naaalala pa nga ni Betong na parehas daw sila ng position noon ni Maey bilang mga production assistants.

Kuwento ni Betong, natuwa raw siya kay Maey noon kaya’t lagi niya itong gustong kasama sa tanghalian. Pero noong mga unang beses daw na inaaya niya si Maey, ayaw daw nitong sumama sa kaniya.

“Kaya pala ayaw niya akong kasama sa tanghalian noon, kasi wala siyang pananghalian. Sabi ko, 'ba’t ba ako iniiwasan nito?' Sabi niya, 'kung alam mo lang wala kasi akong pambili ng tanghalian.' Sabi ko naman, 'ililibre naman kita eh, ‘di mo sinabi,'” biro ni Betong. Pero ang tunay na dahilan daw ay hindi pa kasi sila close kaya’t nahihiya pa si Maey sa kaniya.

Dahil sa walang sawang pangungulit ni Betong, naging close na nga silang dalawa. Nagsimula silang makita sa TV dahil sa pagganap nila sa mga re-enactments at pa-extra extra sa mga segments ng show. Nang makitaan sila ng potential, binigyan na sila ng kani-kanilang shows kung saan sila ang mga segment host.

Ilan sa mga shows na ito ay AHA!, Day Off, Ang Pinaka, May Tamang Balita at Sapulso. Pero higit sa mga shows na ‘yan, lalong sumikat ang Maey at Betong tandem sa Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown kung saan sila ang partners. Si Betong ang itinanghal na sole survivor sa nasabing reality show.

At mula nga noong pagkapanalo ni Betong, bihira na silang nagkakasama ni Maey dahil may kaniya kaniya na silang show. “Nakaka-miss, sobrang miss ko na ‘yong partnership namin, ‘yong tandem namin. Ang huling pinagsamahan namin ay sa Boy Pick Up The Movie, parang mag-lovers kami doon,” saad ni Betong.

Sa sobrang pagka-miss ni Betong sa kaniyang partner, minsan daw kapag nalulungkot siya ay bigla na lang pumapasok sa isip niya na sana kasama niya si Maey sa Bubble Gang. Pero kahit daw na hindi na sila gaanong nagkikita dahil sa pagiging busy nila, hindi pa rin daw nawawala ang communication sa kanilang magkaibigan.

Sa pagtatapos ng aming exclusive interview, nagbigay ng mensahe si Betong para kay Maey, “Maey, ang dami na nating pinagdaanan, ‘yong mga pangarap natin noon, ‘yong frustrations natin, ngayon at least medyo nalagpasan na natin ‘yun. At the same time, kahit paano ay mayroon na rin tayong napatunayan kahit konti. Sa ngayon na hindi tayo nagkakasama, I hope happy ka sa nangyayari sa’ting dalawa,” ang seryosong pahayag ni Betong.

Abangan kung saang show muli magkakasama sina Maey at Betong. Pero for the mean time ay subaybayan natin si Betong bilang isang comic relief sa pinakabagong serye sa GMA Telebabad, ang Genesis, after 24 Oras.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Etsrada, GMANetwork.com