Celebrity Life

Gwen Zamora’s first hike: “Kung wala talaga akong dengue, I would have enjoyed it”


Bagito si Gwen Zamora sa hiking at gusto niyang maranasan ang thrill at fulfillment na nararamdaman ng maraming artista na nahihilig dito.

Subalit hindi niya akalain na masusubok nang todo ang kaniyang endurance sa una niyang hike sa Mount Pico de Loro na nasa boundary ng Cavite at Batangas. Bukod kasi sa 664 meters ang taas ng itinuturing na pinakamataas na bundok sa Cavite, hindi niya alam na may sintomas na pala siya ng dengue noon.

First week of October nang akyatin nina Gwen at ng co-stars niya sa Binoy Henyo na sina Sheena Halili at Luis Alandy ang Mt. Pico de Loro.

Kuwento ni Gwen, hindi biro ang sinapit nila dahil limang oras daw silang nag-trek bago nila narating ang tuktok ng bundok.

Aniya, noong umpisa pa lang daw ay nagba-backout na siya dahil nga sa nararamdaman. Dagdag niya, “Ayoko na from the start pa lang. Pero good thing one of our parang head tour guide was a doctor, so he had medicines. He gave me medicines naman so I made it
up and down.”

Ayon kay Gwen, nababawasan naman ang iniinda niyang sakit tuwing nakikita niya ang magagandang view habang paakyat ng bundok. “Going up we saw so many waterfalls. And then halfway through nasa ulap na kami. So it was like foggy and then it was nice na iba-iba ‘yong parts ng mountain.”

Napawi raw ang pagod niya nang narating nila ang tuktok dahil sa ganda ng view mula sa itaas.

Nag-stay raw sila roon ng almost 45 minutes at kumain ng mga dala nilang canned goods. “Pero I was so scared. I'm not naman scared of heights. I was just scared because it's so windy so ayokong tumayo. Kasi parang feeling ko pag tatayo ako, matutumba ako,” paliwanag niya.

Pagkatapos daw nilang magpahinga sa tuktok ay agad na silang bumaba at inabot ito ng apat na oras. Pagkababa, puro ulam na may sabaw tulad ng bulalo, tinola at sinigang ang kinain nila.

Umabot sa 40 degrees ang lagnat ni Gwen nang makauwi siya kaya’t nagpatingin siya sa doktor. Nalaman sa blood test na positive siya sa dengue.

“Kasi fever is kaya ko eh, pero it was a different type of fever. Parang sumasakit yung joints ko tapos ang sakit-sakit ng one part of my head. Parang someone's drilling me, pumupukpok sa loob ng ulo ko,” kuwento niya.

Na-confine raw si Gwen sa hospital sa loob ng anim na araw kaya’t hindi siya nakapag-taping para sa Bubble Gang. Siya ang ikatlong miyembro ng cast na nagka-dengue.

Naka-recover na ngayon si Gwen at ready na raw siyang sumabak muli sa trabaho.

Dahil daw hindi niya masyadong na-enjoy ang pag-akyat sa Pico de Loro, may plano siyang umakyat muli kasama naman ang kaniyang boyfriend.

Ang advice lang ni Gwen sa mga gustong mag-hiking: “If ever you guys want to go hiking, start with an easy hike. Yung mga 1 to 2 hours lang. Huwag ninyong biglain with a 5-hour hike up and 4-hour hike down.”

Now that she’s back, catch more of Gwen Zamora in Bubble Gang every Friday night after GMA Telebabad. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com