Celebrity Life

Dennis Trillo: “Mas masaya ‘pag single ka at mahal ka ulit ng mga tao”


Kahit na tapos na ang My Husband’s Lover, tuloy-tuloy pa rin ang pagyabong ng career ni Dennis Trillo.

Sa katunayan, halos kalalabas pa lang ng album nila ni Tom Rodriguez na “TomDen” ay nag-number one na ito sa iTunes. Ayon kay Dennis, mas nakaka-focus siya sa kanyang trabaho ngayong single siya.

Isa sa mga kantang kasama sa TomDen album ay ang “Stay”. Si Dennis mismo ang kumanta nito, at inawit pa niya ito nang live kamakailan sa launching ng album. Kanino kaya niya ide-dedicate ang kantang ito?

Mabilis niyang sagot, “Sa totoo lang, wala. Mga kanta nina Vincent and Eric ‘yong nasa album, so sa kanila talaga naka-dedicate ‘yon.”

Kanino naman kaya niya ide-dedicate ang rendition nila ni Tom ng “One More Try?” Mayroon ba siyang gustong balikan sa mga nakarelasyon niya?

“Wala akong mapipili. Wala na akong gustong balikan sa kanila, so parang hindi bagay ‘yong kanta,” tugon niya.

Dagdag niya, “Siguro, sa susunod na album, panibagong kanta na lang para maialay ko sa isang tao talaga na importante. Ngayon, wala, eh."

“Kaibigan siguro, pero ‘yung babalik sa dating sitwasyon o relasyon, hindi na. Masaya na ako ngayon sa mga nangyayari sa akin, so wala akong planong balikan ‘yung mga masasaklap na pangyayari sa buhay ko,” pagpapaliwanag niya.

Kuntento na raw siya sa kanyang buhay ngayon. Aniya, “Mas masaya ‘pag single ka at mahal ka ulit ng mga tao.”

Kung ganoon, bakit nadidikit ang kanyang pangalan sa mga showbiz couple na naghihiwalay?

“Oo nga, nakakapagtaka. Sa totoo lang, natatawa na lang ako kasi nakakatawa ‘yung hindi totoo, eh. Parang nananahimik ako tapos may lalabas na ganun. Nakakatawa at wala akong oras para diyan,” ani Dennis.

“Sa lahat ng naghihiwalay ngayon, ako lagi ‘yung nadadamay. Siguro nasanay na lang ‘yung mga tao na baka si Dennis ‘yan, pero hindi talaga,” pagkaklaro niya.

Handa na ba siyang magmahal muli?

Diretsahang sagot niya, “Natuto na ako. ‘Yan lang ang masasabi ko. Siguro sila babalik, pero ako, wala na.”

Mas gugustuhin daw niyang non-showbiz ang susunod na magiging karelasyon niya.
“Mas tahimik ‘pag ganun. Hindi ako nagmamadali. Steady lang ako kung nasaan ako ngayon,” saad niya.

Para makatanggap ng karagdagang updates tungkol kay Dennis Trillo at sa mga paborito ninyong Kapuso stars and shows, mag log-on lamang sa www.gmanetwork.com. - Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com