
Isa si Andrea Torres sa may pinakamagandang mukha at kinababaliwan ng mga kalalakihan dahil sa kanyang taglay na sex appeal. Pero alam ninyo bang minsang nagdalawang-isip ang aktres kung para nga ba siya sa showbiz?
Sa kanyang interview sa podcast program na Updated with Nelson Canlas, inamin ni Andrea na hindi naging madali ang kanyang pagpasok sa showbiz.
"Naku bata pa lang ako, 6 years old pa lang ako nag-v-VTR na ako. Tapos lagi akong hindi natatanggap. Dinadamdam ko 'yun talaga, as in!" Kuwento ng Maria Clara at Ibarra actress.
"Syempre kapag bata ka iisipin mo, pangit ba ako, o hindi ba ako magaling? Tapos nagco-compare ka rin syempre. 'Bakit 'yung iba lagi silang nakukuha?' Parang hindi mo pa maintindihan na syempre may certain look na hinihingi for a certain brand."
Nagpatuloy nga si Andrea sa pagpunta sa auditions hanggang sa maging teenager, hoping na one day susuwertihin siya at mabibigyan ng break.
"Part na siya ng life ko talaga na school and then nag-v-VTR kapag weekends. Tapos dumating sa point na parang medyo bumaba na 'yung self-esteem ko kasi nga lagi akong nare-reject. Memorize ko na 'yung gagawin ko sa VTR eh. Look to the right, to the left, ganiyan," pagbabalik-tanaw niya.
Dahil nga pangarap ni Andrea ang mag-artista, hindi siya tumigil hanggang makuha niya ang kanyang first project.
"Ginawa ko na lang, dahil sobrang interested ako, inaaral ko na lang 'yung ibang nag o-audition. Tapos ginagaya-gaya ko. Ang first project na nakuha ko, ano na ako nun, first commercial ko parang 18 na ako. Ang tagal, sobrang tagal talaga!"
Dahil dito hindi rin daw n'ya naiwasan na mawalan ng pag-asa habang naghihintay sa kanyang big break.
"May mga times na medyo nawawalan na rin ako ng lakas ng loob pumunta kasi nga parang nasa isip ko, alam ko na naman e, hindi na naman ako matatanggap, ganun. Pero alam mo, andoon pa rin 'yung pain every time, kahit na expected mo na. Nasasakatan ka pa rin talaga kapag hindi mo nakukuha."
Pero sabi nga nila, pag may tiyaga, may nilaga. Sa tagal ng kanyang paghihintay at pagpupursige, ano nga ba ang naramdaman nýa noong una syang pumasa at natanggap sa audition?
"Ang nakakatawa dito 'yung first time ko nakuha. Ang kulit ko sa agent ko. 'Yes talaga? Sure ba kayo yes? Parang hindi na ako makapaniwala na 'Ay nakuha ko na siya talaga!' Ganun."
Maatapos ang kanyang pinagdaanan, meron daw syang pinagpapasalamat sa kanyang showbiz journey at ito raw ay ang naging relasyon niya sa Taas.
"Doon nag-start na talaga 'yung relationship ko sa Taas kasi nga 'di ba, pray ka ng pray para sa mga dreams mo."
Malayo na nga ang narating ni Andrea Torres at sulit ang kanyang paghihintay at naranasang heartbreak at disappointments noon. Ngayon, isa na siya sa most sought-after leading ladies sa Kapuso network. Nakagawa ng international film at napapanood rin siya ngayon sa trending at pinag-uusapang historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra bilang Sisa.
Abangan ang kanyang pagganap bilang ina ni Basilio at Crispin sa GMA Telebabad. Para sa Kapuso abroad, mapapanood din ang Maria Clara at Ibarra sa GMA Pinoy TV o sa Kapuso stream nito sa YouTube, Facebook, at sa GMANetwork.com.
BALIKAN ANG NAGING EXPERIENCE NI ANDREA TORRES SA KANYANG INTERNATIONAL FILM NA PACIONAL DITO: