
Mahigit isang dekada na sa GMA si Sparkle actor Kristoffer Martin.
Unang napanood si Kristoffer sa Kapuso Network nang gumanap siya bilang batang Johnny, na ginampanan ni Primetime King Dingdong Dantes sa 2010 drama series na Endless Love.
Kuwento ng aktor sa GMANetwork.com, wala sa plano ang pag-aartista niya noon. Labindalawang-taong gulang si Kristoffer noong sumalang sa isang singing competition para sa telebisyon.
Ayon kay Kristoffer, nagkataon lamang na nasiraan sila ng sasakyan sa harapan ng isang mall sa Pampanga kung saan may ginaganap ding audition. Aniya, "Naglalaro lang kami ng kapatid ko ng arcade sa taas ng mall. Tapos 'yung mommy ko, 'Uy may audition dito singing contest.' Sabi ko 'yung kanta ko pang family lang pero hindi to the point na kakanta ako sa harap ng maraming tao."
Dito na nadiskubre si Kristoffer hanggang sa magdesisyon na pasukin na rin ang pag-aartista.
"Wala po akong plano noon, ngayon ko na lang siya naisip. Kasi noong bata ako parang sunud-sunuran lang ako sa nanay ko, 'O gawin mo 'to anak, may audition ganito...' Ginawa ko ng ginawa hanggang sa minahal ko na lang po siya,” aniya.
"Sabi ko nga wala naman talaga sa plano namin 'yung mag-aartista. Pumunta kami roon nang wala kaming baon. Si Lord lang talaga nagpi-place ng mga bagay, ng mga situation sa buhay mo, na maiintindihan mo basta tanggapin mo lang lahat ng ibinibigay n'ya sa 'yo. Sabi ko ang ganda ng stepping stones ni Lord," dagdag ni Kristoffer.
Ngayon, kilala si Kristoffer bilang isa sa bankable stars ng Kapuso Network. Sa 15 taon sa showbiz, isa raw sa aral na natutunan ng aktor ay ang pagiging bukas sa mga bagong matututunan.
"Huwag kang tumigil matuto. Dapat lagi kang gutom matuto. Lagi kang nakikinig kahit sa mga bagong artist. 'Yun kasi minsan 'yung sakit e. Napansin ko na... 'Tingin mo kasi ang tagal mo na sa industriya hindi ka na makikinig sa mga bago.' Alam mo surprisingly ang dami kong natututunan sa mga bagong artista.
"Even before ganoon po ako, kahit kanino makikinig ako basta alam kong may matututunan ako sa kanya. Kasi everyday may nade-develop sa atin. Everyday 'yung outlook natin sa buhay nag-iiba. Even sa acting, sabi ko nga 'yung ibang mga artista ngayon ang gagaling, sobrang gagaling ng mga bago," sabi niya.
Samantala, bukod sa pagiging isang mahusay na aktor ay isa ring recording artist si Kristoffer. Noong September 30, inilabas na ang bago niyang single, ang "'Di ba?" na agad na napasama sa top eight ng iTunes Philippines chart.
MAS KILALANIN SI KRISTOFFER MARTIN SA GALLERY NA ITO: