Celebrity Life

Kristoffer Martin on working with ex-girlfriend Joyce Ching: 'Happy ako na kasama ko siya sa soap na 'to'


Last December lang nang isinapubliko nina Kapuso actors Kristoffer Martin and Joyce Ching ang kanilang break-up. Tatlong buwan din nilang itinago ang balitang ito sa press.

Sa isang interview ni Kristoffer, nilinaw niyang walang involved na third party sa kanilang hiwalayan. Pero kahit na hanggang ngayon ay sila pa lang din ang nakakaalam ng totoong dahilan. Naging maayos naman daw ang kanilang hiwalayan.

Maganda ang naging takbo ng 2013 para sa dalawang Kapuso stars. Matagumpay ang GMA Telebabad show na Kahit Nasaan Ka Man kung saan nakatambal ni Kristoffer si Julie Anne San Jose. Samantala, naging maingay naman ang weekend suspense show na Dormitoryo na bumida si Joyce bilang killer.

Taong 2010 noong unang beses na nagkatrabaho sina Kristoffer at Joyce sa Kapuso Network via Reel Love Presents: Tween Hearts na tumagal ng dalawang taon. Sa show na ito nag-umpisa ang bansag sa kanilang Tweens. Nagkasama rin sila sa Munting Heredera at Ikaw Lang Ang Mamahalin.

Nang matapos ang kanilang mga programa, at lumabas ang balitang naghiwalay na nga sila as a couple, tila ipinaglalapit pa rin sila ng tadhana. Binigyan sila ng show ng GMA, ang Paraiso Ko’y Ikaw na idi-direk ni Binibining Joyce Bernal.

Magkakasama man muli ang dating magkasintahan, hindi naman sila ang magka-love team dito. Si Kristoffer ay itatambal muli kay Kim Rodriguez na siya ring nakapareha niya sa Kakambal ni Eliana. Ang bagong Kapuso actor na si Phytos Ramirez naman ang makakatambal ni Joyce.

“Ang alam ko kasi sa story wala kaming connection e, at all. Parang ang focus niya ay kay Phytos, ako ang focus ko kay Kim. So parang ganoon, so siguro may mga reactions din,” pahayag ni Kristoffer.

Sa ginanap na press conference ng Paraiso Ko’y Ikaw last December, napansin ng GMAnetwork.com na nakahiwalay si Kristoffer kay Joyce kaya’t tinanong namin kung nag-uusap pa ba sila. “Oo, nag-uusap naman kami eh. Everything is settled, actually wala namang mabigat from the start eh. Open-heartedly naming inoohan na magkasama kami sa soap,” sagot niya.

Hindi na kami nagpaligoy-ligoy pa at sunod naming itinanong kay Kristoffer kung okay lang bang magkasama sila sa soap kahit na magkahiwalay na sila ni Joyce. “Yes okay lang, wala naman 'yun eh. Okay lang, napag-usapan na naman namin before mag-start yung soap na 'to, nakapag-usap kami na - 'uy magsasama tayo sa soap na 'to'. Happy ako na kasama ko siya sa soap na 'to,” aniya.

Bago matapos ang interview, sinabi sa ‘min ni Kristoffer na hindi raw siya nagko-close ng door sa possibilities na magkabalikan silang muli ni Joyce.

Abangan si Kristoffer Martin kasama sina Kim Rodriguez, Joyce Ching at Phytos Ramirez sa Paraiso Ko’y Ikaw sa GMA Telebabad. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com