Celebrity Life

LJ Reyes on Paulo Avelino: 'Hindi naman siya nagkukulang.'


Noong December lang nagsalita si Kapuso actress LJ Reyes sa Startalk tungkol sa tunay na kalagayan ng kanyang pamilya.

Kinumpirma ni LJ kay Ricky Lo na hiwalay na nga sila ni Paulo Avelino, ang ama ng kaniyang tatlong gulang na anak na si Aki. Pero ayon sa aktres, hindi pa naman daw umaabot nang isang taon ang paghihiwalay nila.

Dagdag pa ni LJ sa kanyang interview, hindi naman daw napapabayaan ni Paulo ang anak. “Sinusundo naman siya ni Pau ‘pag may free time siya. Lumalabas sila. Minsan, nandoon sila sa condo ni Pau or ‘pag talagang short siya sa time, dadalawin naman niya sa bahay kahit sandali. Hindi naman siya nagkukulang.”

Bukod pa rito, unti-unti na raw naiintindihan ng anak niya ang estado nila ni Paulo. “Sinabi ko sa kanya noong bago pa lang. May times na noong umpisa, hinahanap ni Aki, tapos sinasabi ko sa kanya na hindi na rito nakatira si Daddy mo. Eventually, parang na-gets na niya ‘yung set-up,” ani LJ.

Pagkatapos magpa-interview ng cast member ng Prinsesa ng Buhay Ko sa Startalk last month, agad naman siyang nagbigay ng chance sa GMANetwork.com para sa isang exclusive interview.

Tinanong agad namin si LJ kung gaano ba kahirap magpalaki nang anak na mag-isa. “It's very difficult to be a parent so being a single parent is a lot more difficult kasi you're taking up the responsibility ng dalawang tao,” sagot niya.

Pero anang actress, mayroon naman daw kapalit ang hirap ng pagiging isang single mom. “It needs a lot of adjustments, a lot of time, a lot of hard work pero at the end of the day mayroon kang reward, it's your kid,” paliwanag niya.

Kuwento ni LJ, nahihirapan daw siyang balansehin ang oras niya para sa trabaho at anak. “Actually ang hirap din talaga, mahirap siyang i-manage kasi especially with our kind of work, very erratic 'yung schedule. But every day tanong ko rin 'yon sa sarili ko eh, kung paano ko ba nagagawa na nahahati ko 'yung katawan ko,” wika niya.

Ayon kay LJ, kahit paano raw ay mayroon namang tumutulong sa kaniya na mag-alaga sa bata lalo na kapag nasa trabaho siya. “I leave him with my sister or my lola. Hindi ko kaya na maiwan siya with someone para lang mayroong naglu-lookout. Kunyari, 'yung reporting lang, mas precise kapag mayroon kang relative na tumitingin sa kanya.”

Bago matapos ang interview, ibinahagi sa amin ni LJ ang kaniyang dream para kay Aki. “Feeling ko magiging athlete siya in the future. And super susuportahan ko siya kasi parang nakikita ko na sobrang hilig niya sa sports. 'Yung interaction, he's very active. Kung 'yun ang magiging dream niya, kung 'yun ang path na ite-take niya, I'll be the first person to be proud of him and I'll support him.”

Patuloy na subaybayan si LJ Reyes bilang Kate sa Prinsesa ng Buhay Ko, weekdays after GMA Blockbusters sa GMA Telebabad. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.